Daughters of Saint Paul

Pebrero 16, 2025 – Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon (K)

Ebanghelyo:  LUCAS 6, 17. 20-26

Tumingala si Jesus sa kanyang mga alagad at sinabi: “Mapapalad kayong mga dukha sapagkat sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Mapapalad kayong mga nagugutom ngayon, sapagkat bubusugin kayo. Mapapalad kayong mga umiiyak ngayon, sapagkat tatawa kayo. Mapapalad kayo kapag kinapopootan kayo ng mga tao at itinatakwil at iniinsulto, at sinisiraang-puri dahil sa akin. Magsaya kayo at lubos na magalak sa araw na iyon sapagkat malaki ang inyong gantimpalang nasa Diyos; gayundin ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa Mga Propeta. Ngunit sawimpalad kayong mayayaman sapagkat tinatamasa na ninyo ang inyong ginhawa! Sawimpalad kayong mga busog ngayon, sapagkat magugutom kayo. Sawimpalad kayong humahalakhak ngayon sapagkat magluluksa kayo’t iiyak! Sawimapad kayo kapag pinag-uusapan kayo nang mabuti ng lahat ng tao ganoon din ang ginawa ng kanilang mga ninuno sa mga bulaang propeta.”

Pagninilay:

Isinulat po ni Fr. JK Maleficiar ng Society of St. Paul ang pagninilay ngayon. Minsan ka na rin bang nasabihan na, “Uy, ang blessed mo naman!”? Madalas naririnig natin ang mga salitang “blessed ka” kung meron magandang nangyayari sa ating career o may natamo tayong tagumpay.

Kung ang standard ng mundo ang batayan, may katotohanan ang ganitong uri ng pang-unawa sa salitang “blessed“. Iba naman ang kahulugan ng salitang “blessed” ayon kay Kristo. Sa pamantayan ng Diyos, hindi ang pagkakaroon ng kayamanan, karangyaan at tagumpay ang natatanging batayan ng pagiging blessed. Hindi rin dapat hinuhusgahan na sinumpa ng tadhana ang mga taong nabubuhay na mahirap, nagugutom, nalulungkot, at inaabuso ng kanilang kapwa tao.

Sa ebanghelyo, itinuturing ni Hesus na blessed ang mga taong merong malalim na pananalig at matibay na relasyon sa Diyos. Kaya ang mga beatitudes na binanggit ni Hesus sa ebanghelyo ay magbibigay direksyon sa atin patungong langit. Hindi natin kailangang gamitin na panghusga kundi mga inspirasyon upang magkakaroon tayo ng malalim na relasyon sa Diyos at sa ating kapwa.

Ibig sabihin, blessed pa rin ang isang mayaman kung ang kanyang kayamanang nakamtan ay dahil sa kanyang kasipagan, kasikapan, pananalig sa Diyos, at wala itong na agrabiyadong ni isang tao. Blessed din ang mga may kaya sa buhay kung nagiging instrumento sila ng pag-asa sa maraming naghihirap sa mundo.

Blessed din kay Hesus ang mga mahihirap, nagugutom, nalulungkot, at mga inabusong tao. Ang kanilang pagiging “blessed” ay naaayon sa katatagan ng kanilang pananampalataya at pagmamahal sa Diyos, na hindi kayang sirain ng kahirapan, kalungkutan, at kasamaan ng mundo. Dakila sila para kay Hesus kung itinuturing nila si Kristo na kanilang kaisa-isa at natatanging sandalan sa panahon na sila’y nahihirapan, napapagod, nalulungkot at nasasaktan. Ikaw, /kapanalig? Maituturing mo rin ba ang sarili mo na blessed? Kaninong pamantayan ba ang iyong basehan? /Kapanalig, sana blessed tayong palagi ayon sa pamantayan ni Kristo.