Daughters of Saint Paul

Pebrero 18, 2025 – Martes, Ika-6 na Linggo ng Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: MARCOS 8,14-21

Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa Bangka at pinagsabihan sila ni Jesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay, anong gagawin natin ngayon?” Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Ba’t n’yo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba n’yo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at mga tengang di nakakarinig? Hindi ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”

Pagninilay:

Sa Ebanghelyo ngayon, makikita natin ang pagkabulag ng mga alagad ni Hesus. Sa kabila ng mga himala ng pagpaparami ng tinapay, hindi nila nakilala ang presensya ng Diyos sa gitna nila. Mas worried sila na walang sapat na tinapay para sa tanghalian.

Kaya’t tinanong sila ni Jesus. “Hindi pa rin ba ninyo naiintindihan? Mayroon ba kayong mga mata pero hindi nakakakita? Mayroon ba kayong mga tainga at hindi nakakarinig?”

Binalaan sila ni Jesus, at tayong lahat din, na huwag magpa-impluwensya sa katiwalian ng mga Pariseo at ni haring Herodes. Ang mga Pariseo ay legalistic pero hindi nila nakikita ang tunay na diwa ng batas – Ito ay pag-ibig. Mapagkunwari sila dahil namumuhay sila na may double standard. Si Haring Herodes naman ay sakim at gustong manatili sa kapangyarihan. Naghahangad ng higit pa, kahit sa pamamagitan ng imoral na pamumuhay. 

Talamak ang konsumerismo, kasakiman, at pagka-makasarili sa kultura ngayon, na maaaring mamugad sa puso at isipan ng tao.

Gaano kalaki ang pananampalataya natin sa Diyos na nagmamalasakit sa atin? Naririnig pa ba natin siya? Nakakakita pa ba tayo? Naiintindihan ba natin ang impluwensiya ng kasamaan at kadiliman sa ating mga puso?