Daughters of Saint Paul

Pebrero 21, 2025 – Biyernes, Ika-6 na Linggo sa Karaniwang Panahon

Ebanghelyo: MARCOS 8,34-9:1

Tinawag ni Hesus ang makapal na tao pati ang kanyang mga alagad, at winika sa kanya; “Ang sinumang ibig sumunod  sa akin, ay itakwil ang sarili , pasanin ang kanyang krus at sumunod sa akin. Sapagkat ang sinumang ibig maligtas ng kanyang buhay ay mawawalan nito, ngunit ang sino mang mawalan ng kanyang buhay alang-alang sa akin at sa Ebanghelyo ay magkakamit nito. “Sapagkat Ano ang Mapapala ng tao Makamtan  man niya ang buong daigdig kung mapapahamak naman ang kanyang kaluluwa? At ano naman ang maipagpapalit ng tao sa kanyang kaluluwa? Sapagkat ang sinumang magkatuwa sa akin at sa aking mga salita sa lahing ito na nakikiapid at makasalanan ay ikakatuwa rin ng Anak ng Tao pagdating niya sa kaluwalhatian ng kanayang Ama na kasama ang mga banal na Anghel.” At winika niya sa kanila: “Tunay na sinasabi ko sa inyo na may ilay sa mga nakatayo dito na hindi makaranas ng kamatayan hanggang hindi nila nakikita ang Kaharian ng Diyos na Puspos ng kapangyarihan.”

Pagninilay:

Kung sino daw ang ibig magligtas ng kanyang buhay, mawawalan nito. Sino man ang ibig magligtas ng buhay alang-alang sa akin at sa ebanghelyo ay magkakamit nito. Balikan natin ang mga sitwasyon na pinasukan natin at suriin natin ang naging bunga.  Ilang beses mo nang pinrutektahan ang sarili mo, pero sa huli ikaw ang napahamak? Gaano kadalas mo nang itinaas ang sarili mo, pero ang kinalabasan, ikaw ang bumagsak? Eh kasi, baka hindi natin nababantayan ang intensyon natin. Baka naman puro para sa personal na katanyagan o para sumagana ang pamilya. Eh teka, hindi ba sinabi ng ating Hesus Maestro, kung sino man ang ‘magligtas ng buhay’. Ibig sabihin hindi ang pansariling buhay, kundi ang ililigtas natin ay iba. Tulad ng buhay ng kababayan natin, pagpapaunlad ng ating kalikasan, pagtataguyod ng ating lahi at kultura. Isa pa, di ba sinabi ng ating Panginoon, na ‘magligtas alang-alang sa akin at sa ebanghelyo’? Ang motibasyon natin ay ang pagmamahal sa Diyos at sa Kanyang mapanligtas na Salita. Papalapit na tayo sa eleksyon. Alam na natin ngayon kung sinu-sino ang mga naghahangad sa public office. Remember, ito ay paglilingkod at pananagutan sa kapwa. Di ba nangangahulugan ang katagang ‘politiko’ na para sa bansa, para sa lahat, hindi para sa sarili?