Ebanghelyo: Mateo 16,13-19
Pumunta si Hesus sa may dakong Cesarea ni Filipo. Tinanong niya ang kanyang mga alagad: “Ano ang Anak ng Tao para sa mga tao? “May nagsasabing si Juan Bautista ka; may iba pang nagsasabing si Elias ka o si Jeremias o isa sa mga propeta kaya.” “Ngunit sino ako para sa inyo?” “Ikaw ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos na Buhay.” “Mapalad ka, Simon Bar-Yona, hindi nga laman at dugo ang nagbunyag nito sa iyo kundi ang aking Amang nasa Langit. At ngayon sinasabi ko sa iyo: Ikaw si Pedro at sa batong ito ko itatayo ang aking Iglesya; at hinding-hindi ito madadaig ng kapangyarihan ng kamatayan. Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng Langit: ang itali mo dito sa lupa ay itatali rin sa Langit, at ang kalagan mo dito sa lupa ay kakalagan din sa Langit.”
Pagninilay:
Marami siguro ang nagtataka kung ano’ng ibig sabihin ng ating pagdiriwang ngayon. Bakit natin ipinagdiriwang ang isang luklukan o chair? Kaugnay ba nito ang mga pintuan na binuksan noong sinimulan ang taon ng Jubileo? At narinig natin sa Ebanghelyo ngayon ang susi na ibinigay ni Hesus kay Pedro. Marahil tayo nga ay isang sambahayan: may pinto, susi at luklukan.
Sa Latin, isinasalin ang salitang luklukan bilang cathedra. Dito nagmula ang salitang cathedral na tumutukoy sa luklukan ng mga obispo. Sumisimbolo ang luklukan o chair sa authority at misyon na ipinagkatiwala ni Hesus kay Pedro, at sa mga susunod sa kanya. At ang kapangyarihan at misyon na ito ay nakaugat sa pag-ibig at katotohanan na nagmumula kay Kristo. Kung gayon, sumisimbolo din ito sa pagkalinga ni Hesus para sa atin. Hindi ito tungkol sa paghahari-harian kundi sa paglilingkod. Hindi sa pagiging una sa lahat kundi sa pagiging para sa lahat. Kaya tungkulin ng simbahan at ng mga namumuno dito na magturo at akayin ang lahat sa katotohanan. Tipunin ang mga naliligaw ng landas at maging konkretong ekspresyon ng pag-ibig ni Kristo dito sa mundo. Lahat ng ito ay para sa kaligtasan ng lahat; upang tayo ay maging kaanib o miyembro ng pinaghaharian ni Hesus. Kaya sa araw na ito, ipanalangin natin ang ating Santo Papa at mga obispo na hinirang ni Kristo para maging gabay at lingkod natin tungo sa kabanalan ng buhay.