Daughters of Saint Paul

Pebrero 4, 2025 – Martes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I) | San Juan de Brito

Ebanghelyo:  MARCOS 5:21-43

Pagkatawid ni Jesus sa lawa na sakay sa bangka, pinagkulumpunan siya ng maraming tao sa tabing-dagat. At may dumating na isang pinuno ng sinagoga na nagngangalang Jairo. Nagpatirapa ito sa kanyang paanan at pilit na ipinakiusap sa kanya: “Naghihingalo ang aking dalagita kaya halika para maligtas siya at mabuhay sa pagpapatong ng iyong mga kamay.” Kaya umalis si Jesus kasama n’ya at sumunod din sa kanya ang mga tao na gumigitgit sa kanya. Nagsasalita pa si Jesus nang may dumating galing sa bahay ng pinuno ng sinagoga, at sinabi nila: “Patay na ang iyong anak na babae. Bakit mo pa iniisturbo ngayon ang Guro?” “Huwag kang matakot, manampalataya ka lamang.” At wala s’yang pinayagang sumama sa kanya liban kina Pedro, Jaime at Juang ni Jaime. Pagdating nila sa bahay nakita n’ya ang kaguluhan, may mga nag-iiyakan at labis na nagtataghuyan. Pumasok si Jesus at sinabi: “Bakit nagkakagulo at nag-iiyakan? Hindi patay ang bata kundi natutulog lang.” At pinagtawanan nila siya. Ngunit pinalabas ni Jesus ang lahat, at ang ama at ang ina lamang nito ang isinama at ang kanyang mga kasamahan. Pagpasok niya sa kinaroonan ng bata, hinawakan niya ito sa kamay at sinabi: “Talita kum,” na ang ibig sabihi’y ‘Nene, sinasabi ko sa iyo, bumangon ka.’ At noon di’y bumangon ang bata at nagsimulang maglakad. At nagkaroon ng pagkamangha, malaking pagkamangha. Mahigpit na iniutos ni Jesus sa kanila na huwag itong sabihin kaninuman, at sinabi sa kanila na bigyan ng makakain ang bata.

Pagninilay:

Dalawang babae ang pinagaling! Isang may malubhang sakit na anak ni Jairo, at ang isang di-kilalang dinurugo na pinandidirihan ng mga tao. Totoo ang sinabi ni San Pablo na hindi nambibigo ang Pag-asa. Nasabi rin sa Aklat ng mga Panaghoy na mabuti ang Panginoon sa umaasa sa Kanya at sa mga naghahangad sa Kanya. Kaya naman sa malaking pag-asa ni Jairo na gagaling ang kanyang anak at sa matayog na pag-asam ng babae na malulunasan ang kanyang malubhang sakit, hindi sila nabigo. Mga halimbawa sila ng mga taong hindi tumigil umasa.

Ngayong panahon ng Hubileyo, inaanyayahan tayong kumapit sa “pag-asa”. Binibigyan din tayo ng lakas ni San Pablo tulad ng sulat niya sa mga Romano na: “Kung hindi pa natin nakakamit ang inaasahan natin, matiyaga natin itong hintayin. Alam ng Panginoon ang ating hinaing lalo na kung para sa kabutihan ng lahat.”

Kaya kapanalig, huwag tayong bibitaw!