Daughters of Saint Paul

Pebrero 5, 2025 – Miyerkules, Paggunita kay Santa Agata (Agueda), dalaga at martir

Ebanghelyo: Mark 6:1-6

Pumunta si Jesus sa kanyang bayan, kasama ang kanyang mga alagad. Nang sumapit ang Araw ng Pahinga, nagsimula siyang magturo sa sinagoga. Namangha silang lahat at nagsabi: ”Ano’t nangyari sa kanya ang lahat ng ito? Saan kaya galing ang karunungang ito na ipinagkaloob sa kanya, at saan din kaya galing ang mga himalang ito na nagagawa ng kanya mga kamay? Hindi ba’t siya ang karpintero? Ang anak ni Maria at  nina Jaime, Jose, Simon at Judas? Hindi ba’t narito sa piling natin ang lahat niyang  na babae?” At bulag sila tungkol sa kanya. Sinabi naman sa kanila ni Jesus: ”Sa kanyang sariling bayan lamang, sa sariling kamag-anakan at sambahayan hinahamak ang isang propeta.” At wala siyang ginawang himala roon. Ilang maysakit lamang ang pinagaling niya sa pagpapatong ng kamay. At namangha siya sa kawalan nila ng paniniwala.

Pagninilay:

Noong nagtuturo pa ako, sa tuwing bigayan ng cards ay nakakatuwang makitang proud na proud ang magulang sa mga gradong nakuha ng kanilang mga anak. Isang beses, dumating ang aking estudyanteng nasa top 2 ng aking advisory section. Napailing na lang ako sa naging reaksyon ng kanyang magulang nang ang unang nasambit sa anak ay “Bakit top 2 ka lang? Bakit hindi top 1?” Isang kabalintunaan ng buhay na minsan, kung sino pa ang dapat unang susuporta at magmamahal sa iyo––tulad ng pamilya at matatalik na kaibigan––ay sila pa ang unang mamimintas at maghahanap ng butas, imbis na maging proud at makibahagi sa iyong tagumpay.

Sa una, marahil ay tinanggap si Hesus sa kanyang bayan ng Nazaret nang buong paggiliw dahil sa kanyang mga kababalaghang nagagawa. Celebrity na siya; sikat na siya. Kaya naman noong nagturo siya sa sinagoga, imbis na makinig sila sa kanya ay nauna ang kanilang bias batay sa kanilang makitid na pagkakakilala sa kanya. Hindi nila matanggap na si Hesus––ang kanilang kababayan, ang kanilang kababata, ang kanilang lokal na karpintero––ay ang Mesiyas, ang Anak ng Diyos. Nabulag sila sa katotohanang ang Diyos ay Emanuel––kapi-kapiling na nila––dahil kamukha at kawangis nila.

Mga kapanalig, hindi natin maaaninag ang Diyos sa ating araw-araw na buhay kung ang hahanapin natin ay ang mga kababalaghan at mga himala. Tanging pusong mapagkumbaba ang makakakita sa Diyos na kamukha natin––dukha, pagod sa trabaho, nagugutom, ngunit patuloy na umiibig. Hindi natin kailangang lumayo upang makadaupang-palad si Kristo. Sa ating pagmamahal sa magulang, asawa’t anak, sa ating pag-abot ng bayad ng kapwa pasahero sa jeep, at sa pagbibigay ng pagkain sa namamalimos na bata, nakakasalamuha na natin si Hesus, ang Emanuel na laging kapiling, kahit minsa’y nalilimutan natin.