Daughters of Saint Paul

Pebrero 6, 2025 – Huwebes – Paggunita kina San Pedro Bautista, San Pablo Miki at mga Kasama, mga martir

Ebanghelyo: MARCOS 6,7-13

Tinawag ni Hesus ang Labindalawa at sinimulang isugo sila nang dala-dalawa. Binigyan niya sila ng kapangyarihan sa mga maruruming espiritu. At sinabihan niya silang huwag magdala ng anuman para sa paglalakbay kundi tungkod lamang. Walang pagkain, walang pitaka o pera sa sinturon. Nakasandalyas at may isang damit lamang. At sinabi niya sa kanila: ”Pagtuloy n’yo sa isang bahay, manatili kayo roon hanggang sa pag-alis n’yo mula roon. Kung may lugar na hindi tatanggap o makikinig sa inyo, umalis kayo roon at ipagpag ang alikabok sa inyong mga paa bilang sakdal sa kanila.” At pag-alis nila, ipinangaral nila ang pagbabalik-loob. Maraming demonyo ang kanilang pinalayas at marami ring may-sakit ang kanilang pinagaling sa pagpapahid ng langis.

Pagninilay:

Isinulat po ni Sr. Lourdes Ranara ng Daughters of St. Paul ang pagninilay. Binibigyan tayo ng Mabuting Balita ngayon ng tatlong mahalagang aral tungkol sa pagsunod kay Jesus. Una, iwasang magdala ng mga extra baggages na maaaring makaabala sa misyon. Sabi sa verse 8, “huwag magdala ng anuman sa paglalakbay kundi isang tungkod lamang, walang tinapay, walang supot, walang salapi sa pamigkis.” Ang lupit naman ni Jesus, walang supot – bawal mag-sharon! Walang baong pagkain. Paano kung walang magpakain? Dinadala tayo nito sa pangalawang aral – complete trust in divine providence. Kapag nakikibahagi tayo sa misyon ni Jesus, manalig tayo na hindi niya tayo pababayaan. Hindi natin kailangang matakot na magkukulang tayo sa ating mga personal na pangangailangan dahil laging sapat ang biyaya niya sa araw-araw. Kung minsan nga sobra pa sa ating inaasahan. Kapag marami tayong bagahe, babagal ang ating paggalaw kaya mas mabuti ang travel light para marami tayong marating. Pero may isa pang aral na kailangan nating tandaan. Maayos man at mabuti ang paghahanda natin sa misyon, hindi lahat ay tatanggap sa atin. Rejection becomes a part of your life when you follow Christ kaya bawal ang balat sibuyas. Sina San Pedro Bautista, San Pablo Miki at mga kasama ay masisipag na misyonero na nagbuwis ng buhay para kay Kristo.Additional:Hindi lahat ng lugar na kanilang pinuntahan ay tumanggap sa Mabuting Balita na humantong sa kanilang kamatayan. Gayunpaman, hindi nasayang ang kanilang sakripisyo dahil buhay ang pananampalatayang ipinunla nila sa puso ng mga tao. Tularan sana natin ang katapangan ng mga martir na ito sa pagpapalaganap ng Mabuting Balita at pagsunod sa yapak ni Jesus.