Daughters of Saint Paul

Pebrero 7, 2025 – Biyernes ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)

Ebanghelyo: MARCOS 6,14-29

Nabalitaan ni Haring Herodes ang tungkol kay Hesus sapagkat tumanyag na ang kanyang pangalan. May nagsasabing nabuhay si Juan Bautista mula sa mga patay kaya nagkakabisa sa kanya ang makalangit na kapangyarihan. Sinabi naman ng iba: “Si Elias ito,” “Ito ay isang propeta gaya ng mga ibang propeta noon.” Oo nga, Nang mabalitaan ito ni Herodes ay sinabi niya: “Nabuhay nga sa mga patay si Juan na pinapugutan ko ng ulo.” Si Herodes ang nagpahuli kay Juan, at ipinakadena ito sa kulungan dahil kay Herodias na asawa ng kanyang  na si Felipe.Pinakasalan ni Herodes si Herodias at sinabi ni Juan kay Herodes: “Hindi ka puwedeng pumisan sa asawa ng iyong .” Talaga ngang matindi ang galit ni Herodias kay Juan at gusto niya itong patayin pero hindi niya magawa. Iginagalang nga ni Herodes si Juan dahil itinuturing niya itong mabuti at banal na tao, kaya pinanatili niya itong buhay. Nalilito siya matapos makinig kay Juan, gayunma’y gusto pa rin niya itong marinig. At nagkaroon ng pagkakataon sa kaarawan ni Herodes nang maghanda siya para sa kanyang mga opisyal, mga pinuno ng hukbo at mahahalagang tao ng Galilea. Pagpasok ng anak ni Herodias, nagsayaw ito at nasiyahan naman sa kanya si Herodes at lahat ng nasa handaan. Sinabi ng hari sa dalagita: “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo” at sinumpaan pa niya ang pangakong ito. “Ibibigay ko sa iyo ang anumang hingin mo, kahit na ang kalahati ng aking kaharian.” Lumabas ang anak at tinanong ang kanyang ina: “Ano ang hihingin ko?” “Ang ulo ni Juan Bautista.” Agad niyang pinuntahan ang hari at sinabi: ”Gusto kong ibigay mo kaagad sa akin ang ulo ni Juan Bautistasa sa isang bandeha.” Nasaktan ang hari dahil sa sinumpaan niyang pangako sa harap ng mga bisita ngunit ayaw niyang tumanggi. Kaya inutos ng hari sa isa niyang guwardiya na dalhin ang ulo ni Juan. Pinugutan nito si Juan sa kulungan, inilagay sa isang bandeha ang kanyang ulo, ibinigay naman ito ng dalagita sa kanyang ina. Nag mabalitaan ito sa mga alagad ni Juan, dumating sila para kunin ang kanyang katawan at inilibing.

Pagninilay:

Araw-araw tayong gumagawa ng desisyon sa buhay. Ang pagbangon at pagpasok natin sa trabaho ay isang desisyon. Minsan, pagbangon pa lang natin sa umaga naiisip na natin: “Naku, sasalubungin ko na naman ang matinding trapik! Papasok pa ba ako?” O kahit sa ating pagkain, gumagawa tayo ng desisyon kung anong klaseng ulam ang kakainin natin? O desisyong kakain pa ba tayo o magdiet na lang?  Mga kapanalig, ang paggawa ng mabuti at masama ay isang desisyon. Nasa atin kung gagawa tayo ng kabutihan o kasalanan. Pipili tayo sa ating konsensya, kung kaninong tinig ang ating susundin. Tinig ba ng Diyos, na nagdadala sa atin sa mabuting landas, o tinig ng mundo at diyablo na kadalasan ay nagdadala sa atin sa kapahamakan.

          Mga kapanalig, ito ang nangyari sa buhay ni Herodes. Mas pinili niya ang tinig ng mundo kaysa sa tinig ng Diyos. Ayaw naman niya talagang ipapatay si Juan Bautista ngunit nakapagbitaw na siya ng pangako kay Salome na ibibigay niya ang lahat ano man dahil nagustuhan niya ang pagsayaw nito. At hiniling nga ng dalaga ang ulo ni Juan Bautista. Pinapugutan ni Herodes si Juan at simula noon ay patuloy na siyang inusig ng kanyang konsenysa.           Mga kapanalig, nagsasalita ang Diyos sa ating konsensya. Kaya naman importante na mahubog ang konsensya natin sa kalooban ng Diyos. Importante na mahubog ito sa pamamagitan ng panalangin, sa pagninilay sa salita ng Diyos, at pakikinig sa aral ng Simbahan. Dahil itinatag ng Panginoong Hesukristo ang ating Simbahan upang maging daluyan ng biyaya at kaligtasan. Kung natutukso tayong gumawa ng kasalanan, nawa’y pakinggan natin ang tinig ni Hesus sa ating konsensya.