Daughters of Saint Paul

Pebrero 8, 2025 – Sabado ng Ika-4 na Linggo sa Karaniwang Panahon (I)| Paggunita ka San Jeronimo Emiliano| Paggunita kay Santa Josefina Bakhita, dalaga| Paggunita sa Mahal na Birheng Maria tuwing Sabado

Ebanghelyo: MARCOS 6:30-34

Pagbalik ng mga apostol kay Jesus, isinalaysay nila sa kanya ang lahat nilang ginawa at itinuro. Sinabi naman niya sa kanila: “Tayo na sa isang ilang na lugar para mapag-isa tayo at makapagpahinga kayo nang kaunti.” Sapagkat doo’y marami ang paroo’t parito at hindi man lamang sila makakain. Kaya lumayo sila at namangka na sila-sila lang patungo sa ilang na lugar. Ngunit nakita silang umalis ng ilan at nabalitaan ito ng marami. Kaya nagtakbuhan sila mula sa kani-kanilang bayan at nauna pang dumating na lakad kaysa sa kanila. Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming tao na nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal.

Pagninilay:

Ano kaya ang naramdaman ng mga alagad? Sinabi ni Jesus, “Magpunta tayo sa hindi mataong lugar upang makapagpahinga kayo nang kaunti”? Aba, heto nga at nasundan pala sila ng napakaraming tao. Kaya’t “nahabag si Jesus sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol.” In short, imbes na makapagpahinga, back to work din kaagad ang mga alagad! Ano kaya ang naging reaksyon nila? Katulad ni Jesus, maraming mga Nanay, Tatay, mga anak, mga OFWs ang hindi nagsasawang mapagod, maglingkod, at magsakripisyo para sa pamilya.

Buntis si Ningning nung iwanan siya ng kanyang asawa. Sa tulong ng kanyang Nanay, itinaguyod ni Ningning ang kanyang limang anak nang tila walang kapaguran. Naglalabada, naghuhugas ng pinggan sa mga restaurants, nagwawalis sa mga kalsada, nangangalakal. Sa kabila ng hirap na pinagdadaanan, sabi ni Ningning, “Hindi ko po ikinahihiya ang aking hanapbuhay. Batid po ng Diyos na galing sa marangal na paraan ang ikinabubuhay namin ng mga anak ko. Hindi po ako mapapagod sa pagsasakripisyo para sa kanila. Mahal ko po sila at nais kong bigyan sila ng maayos na buhay sa abot ng aking makakaya.” Walang reklamo, walang pagsusumbat, walang panghihina.

Mga kapanalig, ipanalangin nating magpatuloy tayong maglingkod, sa kabila ng ating mga kapaguran. Sapagkat ito ang isinabuhay ni Jesus na siya nating sinusundan. Katulad ng maraming hindi napapagod sa pagsasakripisyo para sa pamilya, sa mga hikahos, sa naaapi, sa maysakit, sa mga biktima ng kawalan ng hustisya, sa kalikasan at sa Simbahan, mamuhay nawa tayo nang may habag at malasakit. Si Jesus na sumasaatin ang tunay na mukha nito.