Ebanghelyo: Lucas 5,1-11
Dinagsa si Hesus ng napakaraming taong nakikinig sa Salita ng Diyos at nakatayo naman siya sa baybayin ng Lawa ng Genesaret. Nakita niya noon ang dalawang bangka sa baybay. Kabababa pa lamang ng mga mangingisda mula sa mga ito para hugasan ang mga lambat. Kaya sumakay siya sa isa rito na pag-aari ni Simon at hiniling dito na lumayo ng kaunti mula sa dalampasigan. Umupo siya at mula sa bangka’y sinimulang turuan ang maraming tao. Matapos siyang magsalita, sinabi niya kay Simon: “Pumalaot ka at ihulog ninyo ang inyong mga lambat para humuli.” “Guro, buong magdamag kaming nagpagod at wala kaming nakuha pero dahil sinabi mo, ihuhulog ko ang mga lambat.” At nang gawin nila ito, nakahuli sila ng napakaraming isda kaya halos magkandasira ang kanilang mga lambat. Kaya kinawayan nila ang kanilang mga kasamahang nasa kabilang bangka para lumapit at tulungan sila. Dumating nga ang mga ito at pinuno nila ang dalawang bangka hanggang halos lumubog ang mga iyon. Nang makita ito ni si Simon Pedro, nagpatirapa siya sa harap ni Hesus at sinabi: “Lumayo ka sa akin, Panginoon, sapagkat taong makasalanan lamang ako.” Talaga ngang nasindak siya at ang lahat niyang kasama dahil sa huli ng mga isda na nakuha nila. Gayundin naman ang mga anak ni Zebedeo na sina Jaime at Juan na mga kasama ni Simon. Ngunit sinabi ni Hesus kay Simon: “Huwag kang matakot; mula ngayo’y mga tao ang huhulihin mo.” Kayat nang madala na nila ang mga bangka sa lupa, iniwan nila ang lahat at sumunod sa kanya.
Pagninilay:
Starstruck. Naranasan mo na bang ma-starstruck sa presensya ng isang tao? Madalas kapag nakakatagpo tayo ng mga kilalang personalidad sa kanilang industriya o yung mga taong hinahanagaan natin, nakakaranas tayo ng pagka-starstruck. Hindi maka-pagsalita, hindi makagalaw o minsan natataranta tayo sa kanilang presensya. Sinasabi na maihahalintulad sa uri ng takot ang karanasang ito. Nakikita natin ang ating sarili na hindi karapat-dapat at isang hamak kumpara sa kagandahan at kadakilaan ng taong ating kaharap. Marahil ganito ang naranasan ni Simon sa pakikipagtagpo sa kanya ni Hesus. Kaya nasabi niya, “Lumayo po kayo sa akin, Panginoon, sapagkat ako ay makasalanan.” Sa kabila ng kadakilaan at kasaganahang nasaksihan niya sa himala ni Hesus, nakita ni Simon ang kaniyang sarili na tulad ng bangkang hiniram ni Hesus, walang laman, pagod, at bigo. Subalit sa sitwasyong ito nakikipagtagpo sa atin ang Diyos. Nakikipagtagpo siya sa lalim ng ating pagiging makasalanan at hindi karapat-dapat. At ginagawa niya tayong marapat para sa misyon na ibinibigay niya sa atin. Subalit, tulad ni Simon, iniimbitahan tayong iwan at lisanin ang dating bangka upang mamalakaya tayo para sa bagong misyon. Isang misyon na higit pa sa ating mga sarili. Malampasan nawa natin ang ating mga kinatatakutan upang makatugon sa paanyayang misyon ni Hesus.