Daughters of Saint Paul

HULYO 17, 2019 MIYERKULES SA IKA-15 NA LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: MATEO 11:25-27

Nagsalita si Jesus sa pagkakataong iyon: “Pinupuri kita, Amang Panginoon ng Langit at lupa, sapagkat itinago mo ang mga bagay na ito sa matatalino at marurunong, at ipinamulat mo naman sa mga karaniwang tao. Oo, Ama, ito ang ikinasiya mo. Ipinagkatiwala sa akin ng aking Ama ang lahat. Walang nakakakilala sa Anak kundi ang Ama, at walang nakakakilala sa Ama kundi ang Anak at ang sinumang gustuhing pagbunyagan ng Anak.”

 

PAGNINILAY:

Mula sa panulat ni Sem. Kerence Fritz Faderanga ng Society of St. Paul ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Binigyan tayong lahat ng Diyos ng angking kakayahan! Maaaring magkakaiba man tayo ng angking kakayahan, pero lahat tayo, may kakaibang talento na ating nagagamit sa pang araw-araw na buhay. Merong may talento sa pagkanta, pagsayaw, pagguhit at marami pang iba.  Kahit na hindi nila ito pinag aralan ng mahabang panahon sa mga eskwelahan, at mag ensayong mabuti, kayang kaya pa rin nila itong gawin ng napakahusay. May iba naman sa atin na nakakamit ang kasanayan sa pamamagitan ng pag-aaral sa mga pampubliko at pribadong eskwelahan. Gumugugol tayo ng panahon at pagsisikap, para makamit ang kasanayang taglay natin ngayon. Nag-aaral tayo, para magkaroon ng iba’t ibang kasanayan – kasanayang mag-isip ng tama at akma na kilos na ating ginagawa. Ito ang layunin ng ating pag-aaral, ang maiaplay ito sa ating buhay mismo. Mga kapanalig, nais ipahiwatig ng Ebanghelyo sa araw na ito na gamitin natin ang ating pinag-aralan ng tama, at magpakumbaba tayo sa likod ng ating mga natatanging kakayahan at talento. Huwag nating kalimutang magpasalamat at magbigay puri sa Diyos na nagbigay sa atin ng lahat ng bagay. Ang pagbibigay puri ni Hesus sa Ama, isang halimbawa at paalala sa atin na kahit may angkin tayong talento at kasanayan – doctor ka man, inhinyero, guro, negosyante, pulitiko, accountant o maging ordinaryong mamamayan, alalahanin nating may Diyos pa rin tayong makapangyarihan, na pinagmulan ng lahat.  Kaya walang dahilan para tayo magmalaki o magmayabang sa anumang tagumpay na natamo natin.  Dahil ang lahat galing sa Diyos, at bunga ng kagandahang loob ng Diyos.  Kung hindi pinahintulutan ng Diyos na magtagumpay tayo sa anumang larangan, wala sana tayo sa kinalalagyan natin ngayon.  Kaya sa halip na magmayabang, mamuhay tayo sa pasasalamat at kababaang loob.  Laging mapagpasalamat sa Diyos. At huwag nating sarilinin ang natatanging kakayahang taglay natin, bagkus, gamitin ito paglilingkod at ibahagi sa iba.  Amen.