Daughters of Saint Paul

HULYO 18, 2019 HUWEBES SA IKA-15 NA LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: MATEO 11:28-30  

Sinabi ni Jesus: “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawain ko kayo. Kunin ninyo ang aking pamatok at matuto sa akin na mahinahon ako at mababang-loob, at makakatagpo kayo ng ginhawa para sa inyong kaluluwa. Sapagkat mabuti ang aking pamatok at magaan ang aking pasanin.”

 

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ni Bro. Micha Miguel L. Competente ng Society of St. Paul.  Maraming batas sinusunod ng mga Judio. Sa katunayan mayroon silang 613 batas. Para sa kanila, mahalaga ang bawat batas at ang pagsunod sa mga ito dahil ito ang daan tungo sa kabanalan at kaligtasan. Itinuturing na isang makasalanan ang sinumang lumabag kahit isa sa mga ito, at may karampatang parusa ang maaari nilang maranasan. Dahil sa strikto at komplikadong pagpapatupad ng mga batas ng mga Pariseo at mga scriba, naramdaman ni Jesus ang paghihirap ng kapwa niya Judio sa pagsunod sa mga batas. Kaya nga ganoon na lamang ang kanyang paanyaya sa kanila, “Lumapit sa akin, lahat kayong nahihirapan at may pinapasan, at pagiginhawahin ko kayo.” Ibig sabihin ba nito, tatanggalin na ni Jesus ang mga batas at ang kanilang suliranin sa buhay? Hindi.  Ibinibigay ni Jesus ang kanyang “pamatok”, isang pamatok ng pag-ibig. Pag-ibig ang siyang susi upang mas makabuluhan ang pagsunod sa mga batas at sa pagtupad ng mga responsibilidad sa buhay. Kung maaalala natin, nang tanungin si Jesus ng isang lalaki kung ano ang pinakamahalaga sa lahat ng mga batas, dalawa lamang kanyang pinunto, “Mahalin mo ang Diyos, at gayundin naman, mahalin mo ang iyong kapwa.” Pagmamahal ang kabuuan ng lahat ng mga batas at propeta na siyang nagbibigay espiritu sa mga turo, kasulatan at mga batas.  Mga kapatid, ipinaparating din sa atin na bilang mga Kristiyano, mahalaga ang mga batas, sa Simbahan man o sa Sibil. Pero mas binibigyan-diin ni Jesus na mas mahalaga ang pagsunod sa mga ito nang may pagmamahal sa Diyos at sa kapwa. Hindi lamang tayo basta sumusunod dahil lamang nasusulat ito o dahil sa iniutos ito sa atin o dahil takot tayo. Bagkus, sumusunod tayo dahil una at higit sa lahat, mahal natin ang Diyos na siya namang ipinakikita natin sa ating kapwa. Maging sa araw-araw nating gawain sa trabaho, sa opisina o sa paaralan, mas magiging makabuluhan at magaan ang mga ito kung may halong pagmamahal. Kung may kasamang pagmamahal ang bawat gawain natin, hindi tayo makararamdam ang pagod at pagkabagot. Bagkus, mas gumagaan pa nga at madalas hindi na natin mapapansin pa ang oras. Muli nating tanungin ang ating mga sarili, “Nahihirapan ba tayo sa pagsunod sa mga pinag-uutos satin?” “Ano ba ang motibo natin sa bawat ginagawa natin?” “Pagmamahal ba o takot?”