Daughters of Saint Paul

HULYO 31, 2019 MIYERKULES SA IKA-17 NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: MATEO 13:44-46 

Sinabi ni Jesus sa mga tao: “Naihahambing ang Kaharian ng Langit sa kayamanang nakatago sa isang bukid. Kung may makakita nito, ibabaon niya ito uli; at dahil sa kanyang kaligayahan, ipinagbibili niya ang lahat niyang ari-arian, at binibili niya ang bukid. Naihahambing din naman ang kaharian ng Langit sa isang negosyanteng naghahanap ng magagandang perlas. Pagkakita niya ng isang perlas na napakalaki ang halaga, umalis siya at ipinagbili ang lahat niyang ari-arian at binili ang perlas.

PAGNINILAY:

Mga kapatid, marami pang mga kayamanang nakabaon na dapat nating pagsikapang hanapin, dahil ito ang magdudulot sa atin ng tunay na kaligayahan. Ito ang matunog na mensahe ng Ebanghelyo ngayon. Noong unang panahon, wala namang mga bangko kung saan pwedeng itago ang kayamanan.  Kaya ang nangyayari kapag may digmaan, humuhukay ang pamilya sa isang liblib na lugar at doon ibinabaon ang kayamanan sa pag-asang pagkatapos ng giyera, babalik sila at huhukayin muli ang nakatagong kayamanan.  Marami ang hindi nakabalik dahil namatay na sila o kinuha na ng ibang tao ang kanilang lupain. Masuwerte naman ang mga taong aksidenteng nakahuhukay ng kayamanan. Katulad ng paghahambing na ito, ang Kaharian ng Langit ang pinakamahalagang kayamanan na dapat nating hanapin.  Malamang lahat tayo, gustong makapasok sa Langit. Pero marami sa atin ang hindi handang magsakripisyo para dito. Ayaw nating pasanin ang ating krus at takot tayong iwan ang mga gawain na nagiging hadlang para makamtan natin ang Kaharian ng Diyos. Marahil itatanong ninyo, ano ba ang mga humahadlang sa atin para makamit ang Kaharian ng Langit. Unang-una, ang mga kasalanang kinahuhumalingan natin – katulad ng pandaraya sa negosyo at panlalamang sa kapwa; ang pamumuhay sa galit at inggit; ang kasakiman, pagkahilig sa sex at pornograpiya na lumalason sa ating isipan, at marami pang iba. Ikalawa, ang labis nating pagtitiwala sa sarili nating kakayahan at di na natin kinikilala ang Diyos bilang pinagmulan ng ating buhay, at lahat ng mabubuting bagay na tinatamasa natin. At ang ikatlo, ang tahasan nating pagtanggi sa pagmamahal ng Diyos. Kahit alam natin ang Kanyang mga utos, patuloy pa rin natin itong sinusuway dahil sa ating pagrerebelde sa Diyos, lalo na kung hindi binigay ang ating hinihiling.