Daughters of Saint Paul

HUNYO 19, 2019 MIYERKULES SA IKA-11 LINGGO NG TAON

 

EBANGHELYO: Mt 6:1-6, 16-18      

 

PAGNINILAY:

Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, isinulat ng aming madre na si Sr. Kyla Ventura. Sa ebanghelyong ating narinig, mapagninilayan natin ang salitang "pakitang tao lamang". Na hindi natin maikakaila na minsan nangyayari din sa atin. Ginagawa ito ng iba sa atin o ginagawa din natin sa iba. Isa itong hindi magandang paraan ng pakikipag kapwa o pakikipagkaibigan. Bawat isa sa atin, binigyan ng Panginoon ng mabuti at mapagmahal na puso na dapat nating palaguin habang tayo’y nabubuhay dito sa lupa. Kaya, inaanyayahan tayo ni Hesus na maging totoo at tapat sa ating pakikipag-ugnayan sa bawat isa, may kailangan man tayo o wala. Dahil nag-uumapaw ang biyaya ng Diyos kung tayo’y nagpapakatotoo at hindi puno ng pagkukunwari. Alam ng ating Amang nasa langit ang nilalaman ng ating mga puso. Wala tayong maililihim sa Kanya.  Kaya hindi natin kailangang mandaya ng iba dahil wala rin naman tayong mapapala dito, sa halip punuin natin ng tiwala at pananampalataya ang ating buhay. Alam ng Diyos kung ano at sino tayo, pati na ang ating pangangailangan.

 

PANALANGIN:

Panginoon, tulungan Mo po akong maging totoo at magpakatoto sa aking pakikipag-ugnayan Sa’yo at sa aking kapwa. Amen.