Daughters of Saint Paul

HUNYO 23, 2019 IKA-12 LINGGO SA KARANIWANG PANAHON Dakilang Kapistahan ng Katawan at Dugo ni Kristo (Corpus Christi) (K)

 

EBANGHELYO: Lk 9:11b-17   

 

PAGNINILAY:

Sa pagdiriwang natin ngayon ng Dakilang Kapistahan ng Corpus Christio ang Katawan at Dugo ni Kristo – inaanyayahan tayong panibaguhin ang ating pagpapahalaga sa Banal na Eukaristiya. Ang pagkaing nagdudulot sa atin ng lakas para sa ating paglalakbay tungo sa kasaganahan ng buhay na walang hanggan.  Sa bawat pakikiisa natin sa pagdiriwang ng Eukaristiya, nakikisalo tayo sa buong sambayanan ng Diyos sa pagsariwa sa pag-aalay ng Buhay ng Panginoong Jesus. At sa bawat pakikinabang natin sa Kanyang Katawan at Dugo sa Banal na Komunyon – ang Panginoong Jesus mismo ang ating tinanggap, sa anyo ng Ostiya.  Siya na ang lakas na dumadaloy sa ating buong pagkatao, para magsilbing Eukaristiya rin para sa ating kapwa.  Kaya sa sinabi ng Panginoon sa mga alagad na “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain,” panawagan din ito para sa atin na maging mulat sa pangangailangan ng ating kapwa. Tayong mga binusog na ng Panginoon ng Kanyang biyaya at pagpapala, dapat ding maging daluyan ng kanyang pagpapala sa iba.  Ayon pa kay San Juan Maria Vianney, “Ang tumatanggap ng komunyon, naglalaho sa Diyos tulad ng isang patak ng tubig sa karagatan.  Hindi na sila mapaghihiwalay…  kapag tinanggap mo ang Panginoon, mararamdaman mo na dinadalisay ang iyong kaluluwa, dahil ito’y hinugasan na ng pag-ibig ng Diyos.”