Daughters of Saint Paul

MAYO 18, 2019 SABADO SA IKA-4 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY San Juan I, papa at martir

 

EBANGHELYO: JUAN 14:7-14

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung nakilala n’yo sana ako, nakilala n’yo rin ang aking Ama. Ngunit kilala n’yo siya at nakita n’yo siya.”

Sinabi sa kanya ni Felipe: “Panginoon, ituro mo na sa amin ang Ama at sapat na sa amin.” Sumagot sa kanya si Jesus: “Diyata’t matagal na panahon n’yo na akong kasama at hindi mo pa ako kilala, Felipe? Sa pagkakita sa akin ninuman, ang ama ang nakita niya. Paano mong masasabi: ‘Ituro mo sa amin ang Ama’?

Hindi ka ba naniniwalang nasa Ama ako at nasa akin ang Ama? Hindi mula sa sarili ko sinasabi ang mga salitang binibigkas ko. Sa akin nanunuluyan ang Ama, at siya ang gumagawa ng kanyang mga gawa. Maniwala kayo sa akin na nasa Ama ako at nasa akin ang Ama. Kung hindi dahil sa akin, maniwala kayo dahil man lamang sa mga gawa.

“Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo, magagawa ng nananalig sa akin ang aking ginagawa; at mas dakila pang mga bagay ang kanyang gagawin. Sapagkat sa Ama ako papunta. Anumang hingin n’yo sa Ngalan ko’y gagawin ko upang luwalhatiin ang Ama sa Anak. At kung sa aki’y may hihingin kayo sa Ngalan ko, gagawin ko iyon.”  

PAGNINILAY:

Noong ako’y nasa Junior High School, nagkaroon ako ng panahon na may matinding pagdududa sa pag-iral ng Diyos. Minsan halos maaring nang sabihin na ako’y isang ‘atheist’ o taong walang Diyos. Hindi ko matanggap noong panahong iyon na mayroong isang Panginoon na mabuti at makapangyarihan habang laganap ang balita tungkol sa mga masasamang pangyayari sa mundo. Iniisip ko noon, paano naging mabuti ang Panginoon kung maraming may sakit, nagugutom, namamatay ng karumaldumal dahil sa krimen, mga taong mapang-api? Napakatagal ko itong pinag-isipan ngunit nahirapan akong hanapin ang mga sagot. Paano mo nga naman makikita ang Diyos kung puro pangit, mali at masama lang ang nakikita mo? Nabago at napalitan ang pag-iisip na ito sa pagkakilala ko sa aming guro noong Grade 9 ako. Nakita ko at maging ng aking mga kamag-aral ang dedikasyon at paglalaan niya ng oras, pagsasakripisyo at maging pagbibigay ng buong sarili upang matuto ang kanyang mga mag-aaral. Tiyaga at mabuting halimbawa, paglilingkod at  pagbibigay ng   lubos. Ipinakita’t ipinadama n’yang mahal niya ang kanyang mga estudyante, kahit napakahirap naming turuan. Dahil sa kanya, sa mabuti niyang halimbawa, nakita ko ang mukha ng Diyos.  Inaanyayahan tayo sa araw na ito: Bilang mga anak ng Diyos, nakikita ba ang Mukha ng Diyos sa akin, sa aking mga ginagawa, maging sa aking buhay?

–      Sem. Jean Carl Nathaniel E. Supan, Aspirant, Society of St. Paul