Daughters of Saint Paul

MAYO 24, 2019 BIYERNES SA IKA-5 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

 

EBANGHELYO: JUAN 15:12-17

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Ito ang utos ko: Magmahalan kayo gaya ng pagmamahal ko sa inyo. Wala nang pagmamahal na hihigit pa sa pag-aalay ng sariling buhay alang-alang sa mga kaibigan niya. “Mga kaibigan ko kayo kung ginagawa ninyo ang iniutos ko sa inyo. Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan dahil hindi alam ng utusan kung ano ang ginagawa ng kanyang panginoon. Itinuring ko naman kayong mga kaibigan dahil ipinaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko mula sa aking Ama. “Hindi kayo ang humirang sa akin kundi ako ang humirang sa inyo at itinalaga ko kayo para matagpuang namumunga, at manatili ang bunga n’yo. At ipagkakaloob sa inyo ng Ama anuman ang hilingin n’yo sa kanya sa Ngalan ko. Iniuutos ko nga sa inyo na magmahalan kayo.”

 

PAGNINILAY:

Nabasa ko sa social media: “Ito ang sinasabi sa iyo ng Diyos ngayon: Alam ko na marami kang iniisip. Ang iyong pamilya, ang iyong kalusugan, ang iyong mga gastusin, ang iyong mga gawain.  Parang pasan mo na ang buong daigdig sa iyong mga balikat. Sa palagay mo’y nag-iisa ka lang. Anak, hindi ka kailanman nag-iisa. Ialay mo sa akin ang lahat ng iyong mga alalahanin sa pamamagitan ng pagdarasal. Magpapadala ako ng tulong at paggaling. Magkakaloob ako ng daan. Nasa likuran mo ang kapangyarihan ng langit. Huwag kang mag-aalala, nasa likod mo ako. Amen.”  Malinaw ang mensahe ni Jesus sa ebanghelyo ngayon: “Hindi ko na kayo itinuturing na mga utusan….tinatawag ko kayong mga kaibigan dahil ipinaaalam ko sa inyo ang lahat ng narinig ko sa aking Ama.” Kay-tamis na mga pahayag! Siya ang pumili sa atin, ang unang nagmahal, ang naghandog ng buong sarili nang walang hinihintay na kapalit. Alam natin sa pang-araw-araw na buhay ang ligaya sa pagkakaroon ng kaibigang laging handang makinig, magpayo, magbigay ng mga maliit na  bagay na iyong kailangan, magpatawa at magparamdam na hindi ka nag-iisa sa malaki man o mumunting batalya. Isa itong napakalaking biyaya na higit pa sa pera!  Panalangin: O Jesus, kung kasama kita, wala na akong ibang mahihiling pa, Amen.

– Dr. Lilia Antonio, Ph.D.