Daughters of Saint Paul

MAYO 25, 2019 SABADO SA IKA-5 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: JUAN 15:18-21

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Kung napopoot sa inyo ang mundo, alamin n’yo na ako muna bago kayo ang kinapootan nito. Kung kayo’y mula sa mundo, inibig na sana ng mundo ang sariling kanya. Ngunit napopoot sa inyo ang mundo dahil hindi kayo mula sa mundo kundi ako ang humirang sa inyo mula sa mundo.  “Tandaan n’yo ang sinabi ko sa inyo: ‘Walang utusang mas dakila sa kanyang panginoon.’ Hindi ba’t inusig nila ako? Uusigin din kayo. Tinupad ba nila ang aking salita? Gayon din nila tutuparin ang sa inyo. Dahil sa ngalan ko nila gagawin ang mga ito laban sa inyo, sapagkat hindi nila nakikilala ang nagpadala sa akin.”

PAGNINILAY:

Sa isang Unibersidad sa Europa, nagdaraos sila ng mga debate para sa mga taong-bayan. Isang matandang sapatero na hindi nakapag-aral ang madalas manood dito.  Dahil sa wikang Latin isinasagawa ang debate at hindi niya alam ang wikang ito, tinanong siya ng isang kaibigan,”Bakit interesado ka sa pagdalo?” Tugon ng sapatero, “Hindi ko alam kung ano ang pinag-uusapan nila, pero, alam ko kung sino ang mali sa argumento.” “Paano?” tanong ng kaibigan. “Sa pagtingin kung sino ang unang nagagalit.” Maraming sanhi ng galit pero pangunahin ang pagiging makasarili at kawalan ng malasakit sa iba.  Sa ebanghelyo, nagbabala si Jesus sa pag-uusig na daranasin ng mga alagad  sa pagpapalaganap ang kanyang mga aral at turo. May mga mungkahi kung paano manatiling mahinahon para makaiwas sa mga pagkapoot, silakbo ng galit, inggitan at iba pang mga negatibong damdaming gaya nito. Kabilang na ang pagmamalay kung ano ang nagpapagalit sa iyo at paano ito makontrol at ang mga positibong pakiramdam kapag nagtimpi; huminahon at huminga nang malalim bago magsalita ng bagay na posibleng pagsisihan pagkatapos; lawakan ang pang-unawa at pag-isipan kung ano ang nadarama ng kausap; lumayo muna kung maaari at sa hulihan, matutong magpalampas.  Panalangin: O Jesus, loobin mong laging  maghari sa amin ang iyong katotohanan at liwanag para manatiling masigasig, mahinahon at matatag sa kabila ng mga pagsubok at mga paghihirap, Amen.  –  Dr. Lilia Antonio, Ph.D.