Daughters of Saint Paul

MAYO 26, 2019 IKAANIM NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY (K)

 

EBANGHELYO: JUAN 14:23-29

Nagwika si Jesus kay Judas: “Kung may nagmamahal sa akin, isasakatuparan niya ang aking salita at mamahalin siya ng aking Ama at pupuntahan naming siya at sa kanya naming gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili. Ang hindi naman nagmamahal sa akin ay hindi nagsasakatuparan sa mga salita ko. At ang salitang inyong naririnig ay hindi sa akin kundi sa Amang nagpadala sa akin.

“Sinabi ko sa inyo ang mga ito habang kasama pa ninyo ako. Ituturo niya sa inyo ang lahat at ipaaalaala niya sa inyo ang lahat ng sinabi ko sa inyo.

“Kapayapaan ang iniiwan ko sa inyo; ibinibigay ko sa inyo ang aking kapayapaan. Hindi tulad ng pagbibigay ng mundo ang pagbibigay ko nito sa inyo. Huwag mabagabgag ang inyong mga puso; huwag kayong matakot. Narinig n’yong sinabi ko sa inyo: ‘Paalis ako pero pabalik ako sa inyo.’ Kung minahal n’yo ako, magagalak sana kayo sa pagpunta ko sa Ama, sapagkat mas dakila sa akin ang Ama.

“Ngunit sinasabi ko na ito ngayon sa inyo bago mangyari, upang maniwala kayo kapag nangyari ito.”

 

PAGNINILAY:

May kuwento kung paano nagsimula ang singsing na pangkasal. Isang araw, namasyal ang hari sa may tabi ng lawa at naghagis ng bato sa tubig. Namasdan niya ang mga bilog na nabubuo dito at naisip na kagaya ito ng pagmamahal niya sa reyna na walang simula at wakas. Kaya, inutusan niya ang alahero na gumawa ng bilog na gintong kasukat ng daliri ng reyna. Nang isuot ang singsing sa asawa, winika niya, “Ito ang tanda ng walang-hanggang pagmamahal ko sa iyo.” Sapul noon, ginamit na ang singsing sa kasal bilang sagisag ng dalisay, tapat at walang kapantay na pagmamahal sa bawat isa.  Sa ebanghelyo,  walang-hanggang pagmamahal din ang iniaalay  ni Jesus sa bawat isa sa atin nang sabihin niyang, “Kung may nagmamahal sa akin, mamahalin siya ng aking Ama at sa kanya namin gagawin ang isang panuluyan para sa aming sarili.”  Panalangin: O Jesus, dalisayin mo ang aming mga puso at isip para maging karapat-da sa pagmamahal mo, Amen. – Dr. Lilia Antonio, Ph.D.