Daughters of Saint Paul

MAYO 31, 2019 BIYERNES SA IKA-6 NA LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY Kapistahan ng Pagdalaw ng Mahal na Birheng Maria

 

EBANGHELYO: LUCAS 1:39-56

Nagmamadaling naglalakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasaok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: Lubos kang pinagpapala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon. At sinabi ni Maria: Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapaglistas dahil isinaalang-alang niya ang balewalang utusan niya, at mula ngayon ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman. Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.

 

PAGNINILAY:

Lubos na katangi-tangi ang pagtatagpo nina Maria at Elizabeth! Saksi tayo sa kanilang kahandaang tumanggap sa pagbabago, sa kawalang-katiyakan, at pag-asam sa isang naiibang takbo ng buhay dahil sa malalim na pananampalataya at pagmamahal sa Diyos. Wika nga, “May layunin ang Diyos sa iyong mga pasanin, may dahilan sa iyong mga pagpupunyagi, at handog sa iyong katapatan. Kailanma’y huwag kang susuko.” Amen.  

-Dr. Lilia Antonio, Ph.D.