Daughters of Saint Paul

ENERO 15, 2018 Lunes sa Ikalawang Linggo ng Taon / Santa Ita

MARCOS 2:18-22

Nag-aayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga Pariseo. Kaya may lumapit kay Jesus at nagtanong: “May araw ng ayuno ang mga alagad ni Juan at ang mga alagad ng Pariseo, at wala ba namang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang mag-ayuno ang mga abay sa kasalan kapag kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na kukunin sa kanila ang nobyo; sa araw na iyon sila mag-aayuno. “Walang nagtatagpi ng piraso ng bagong tela sa lumang damit. Kung gagawin mo ito, hihilahin ng tagpi ang damit, ng bago ang luma at lalo pang lalaki ang punit. At hindi ka rin naman maglalagay ng baong alak sa mga lumang sisidlan. Kung gagawin mo ito, puputukin ng alak ang mga sisidlan at masisira ang alak pati na ang mga sisidlan. Sa bagong sisidlan ang bagong alak!”

PAGNINILAY:

Kung isa tayong Kristiyanong nagsusumikap isabuhay ang turo ng Panginoong Jesukristo sa kasalukuyang mundo, katakot-takot na pagtuligsa, pagsalungat at paninira ang mararanasan natin mula sa mga taong ayaw sumunod sa mga turo ng Panginoon.  Hindi na bago ang senaryong ito. Dahil maging sa buhay ng mga unang Kristiyano, marami sa kanila ang tinuligsa, pinahirapan at pinatay dahil sa matatag nilang paninindigan sa pananampalataya.  Pero, hindi sila nagdalawang isip na manindigan sa kanilang pananampalataya.  Handa silang mag-alay ng buhay hanggang sa huli, dahil malinaw sa kanila na ang pagsunod sa kalooban ng Diyos ang pinakamahalaga.  Ang buhay natin sa mundong ito pansamantala lamang – iiwanan natin ang lahat-lahat sa oras kamatayan at ang pinakamahalaga ang estado ng ating kaluluwa, kapag nakipagharap tayo sa ating Ama sa Langit. Maipagmamalaki ba natin na naging tapat tayo sa mga turo ng Panginoon?  Mga kapanalig, kapag sinikap nating manindigan sa mga turo ng Panginoon, totoong maraming sasalungat sa atin, dahil totoong magkaiba ang pinahahalagahan ng mga taong makamundo at maka-Diyos.  Katulad ng luma at bagong tela sa narinig natin sa Ebanghelyo, mahirap silang pagtagpiin dahil mapupunit at masasayang kapag pinilit natin.  Kaya kinakailangan nating mamili, para ba tayo sa Diyos? O para sa kalaban ng Diyos?  Nasa atin ang pagpapasya.