Daughters of Saint Paul

ENERO 16, 2018 Martes sa Ikalawang Linggo ng Taon / Santa Prescilla

MARCOS 2:23-28

Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga.  At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon. At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo:” Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga: Hindi ito pinahihintulot.” Ngunit sumagot si Jesus: “Hindi ny'o ba nabasa ni minsan ang ginawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom pati na ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” At sinabi pa sa kanila ni Jesus: “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga. Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”

PAGNINILAY:

Mga kapanalig, itinatag ng Panginoon ang Araw ng Sabat para sa ikabubuti ng mga tao.  Tanda ito ng tipanan ng Diyos at ng Kanyang bayang Israel. Itinakdang araw ito para makapagpahinga ang bayang pinili at magkaroon ng mas mahabang sandali sa panalangin nang taimtim sa Diyos.  Napakaganda ng orihinal na layunin ng Diyos sa Araw ng pahinga para sa mga tao.  Pero ang nangyari, ginawa itong kumplikado ng mga guro ng batas. At ipinagbawal ang tatlumpu’t siyam na uri ng gawain sa araw ng Sabat upang masiguro na ang lahat, nagpapahinga at nananalangin sa Panginoon.  Isa itong mahigpit na mga pag-uutos na kailangang sundin ng lahat.  Kabilang sa ipinagbabawal na gawain, ang paggapas ng trigo.  Kaya nang humila ng uhay ng trigo ang mga alagad ni Jesus, at sinimulang kainin ang mga butil, pinuna ito ng mga Pariseo at sinabing hindi ito pinapahintulot.  Dito nagkaroon ng pagkakataon si Jesus na itama ang kanilang maling pamamaraan ng pagtupad sa Araw ng Sabat.  Sinabi Niya sa kanila:  “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga.”  Di nga ba ang pinagmulan ng pagkakatatag nito, ang pag-ibig ng Diyos sa tao … upang lalong lumalim ang ating pakikipag-ugnayan sa Kanya?  Ito ang isang pagpapahalaga natin tuwing araw ng Linggo bilang mga Katoliko. Araw ng Pahinga natin sa trabaho upang magkaroon tayo ng mas matagal na sandali sa pagpupuri at paghingi ng tawad sa Panginoon.  Higit sa lahat, upang ipagdiwang natin bilang isang sambayanan ang Banal na Misa bilang pakikibahagi natin sa sakripisyong alay ni Jesus sa ating kaligtasan.  Hangad ng Panginoon na tayo‘y mapalapit sa Kanya at sana’y magsikap tayo.  Gawin din nating isang pangako na iukol ang araw ng Linggo bilang pag-asam natin sa walang hanggang kapahingahan sa piling ng ating Panginoon sa Kanyang Kaharian.  Maalala sana natin lagi ang sinabi ni San Pablo na:  “May tirahan tayo sa Langit na gawa ng Diyos.  Isang tirahan na mananatili magpakailanman.