EBANGHELYO: Jn 3:22-30
Pumunta si Jesus at ang kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at doon siya tumigil kasama nila, at nagbibinyag. Nagbibinyag din naman si Juan sa Enon na malapit sa Salim, sapagkat malalim ang tubig doon, at may mga nagdaratingan at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan. At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan sa isang Judio tungkol sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa kanya: “Rabbi, ang kasamasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatotohanan mo, nagbibinyag siya ngayon at sa kanya pumupunta ang lahat.” “Walang maaabot ang tao, maliban sa ibinigay sa kanya ng Langit. Kayo mismo ang mga saksi ko na sinabi kong: ‘Hindi ako ang Kristo; sinugo ako una sa kanya.’ Para sa nobyo ang nobya. Naroon ang abay ng nobyo para makinig sa kanya at ikinagagalak niya ang makinig sa nobyo. Ganito rin lubos ang aking kagalakan. Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Junlyn Maraganas ng Pastorelle sisters ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Sa Ebanghelyong ating narinig, itinuturo sa atin ni San Juan Bautista ang daan ng kababaang-loob. Malinaw sa kanya na siya’y tagapagpahayag lamang ng mabuting balita, pero hindi siya ang mabuting balita mismo. Maraming mga tao ang naghahangad ng limelight o maging bida upang maging mahalaga sa mata ng iba. May mga pagkakataon na natutukso tayong agawin ang eksena o karangalan ng iba, para lang maiangat natin ang ating sarili, kahit nangangahulugan ito ng pagtapak natin sa ating kapwa. Ang tunay na tagumpay ay hindi lamang ang paglago ng ating sarili sa karunungan at pagpapakumbaba, kundi ang paglago din ng maraming tao nang dahil sa atin. Ang kababaang loob ay nagmula sa pag-unawa kung sino ang Diyos; kung sino ako, kung sino tayo sa harap ng Diyos nating Dakila at Tagapaglikha. Isang kagalakan ang pagkalooban tayo ng pagkakataong mapapurihan natin si Kristo dahil sa ating mapagkumbabang paglilingkod. Mga kapatid, lagi nawa nating kilalanin na anumang meron tayo ngayon, anuman ang narating natin sa buhay, lahat ay biyayang nagmumula sa Diyos. Kaya wag nating aangkinin ang papuri at parangal na nararapat sa Diyos. Sa halip maging mapagkumbabang lingkod tayo katulad ni Juan Bautista.//
PANALANGIN
Panginoon, maituon ko nawa ang aking mata sa iyong kaharian katulad ng iyong lingkod na si San Juan. Amen.