EBANGHELYO: Mk 1:7-11
Ito ang sinabi ni Juan Bautista sa kanyang pangaral: “Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.” Nang panahong iyon, dumating si Jesus mula sa Nazaret ng Galilea at bininyagan siya ni Juan sa Ilog Jordan. At pagkaahon niya sa tubig, nakita niyang nahawi ang Langit at parang kalapating bumababa sa kanya ang Espiritu ng Diyos. At narinig mula sa Langit: “Ikaw ang Aking Anak, ang Minamahal, ikaw ang aking Hinirang.”
PAGNINILAY
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, mula sa panulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul. Parang kay bilis ng takbo ng mga pangyayari sa buhay ng sanggol na si Jesus. Noong nakaraang Linggo, isa pa siyang sanggol na dinalaw ng mga pantas. Ngayon naman, isang ganap na binata si Jesus. Pumila siya sa Ilog Jordan kasama ng iba pang mga Judio para tumanggap ng binyag mula sa pinsan niyang si Juan. Tubig ang gamit ni Juan bilang tanda ng paglilinis ng mga kasalanan ng tao. Bagama’t kailanma’y hindi nagkasala si Jesus laban sa Ama, minabuti pa rin niyang samahan ang tao sa pagtanggap ng binyag. Sa paglusong niya sa aba nating kalagayan, ginawa niyang banal ang tubig ng binyag.// Bukod sa pagdamay ni Jesus sa ating pagiging tao, narinig sa araw na iyon ang tinig ng Ama mula sa langit. Nagpapaalala ito sa atin na si Jesus, bagama’t pinili niyang maging totoong tao, ay totoo rin namang Diyos dahil Anak siya ng Ama. Mahalaga para kay Jesus na marinig ang mga salitang iyon. Bawat anak ay kailangan ding makarinig mula sa magulang na siya ay minamahal ng kanyang ama o ina. Dito magmumula ang lakas ng loob para maharap natin ang mga hamon ng buhay, katulad ng nangyari kay Jesus. Nawa ang mga magulang ay hindi mangimi o hindi maging bantulot sa pagsasabi sa kanilang mga anak: “Mahal kita, anak!” Sa araw ding ito sinisimulan natin ang Karaniwang Panahon sa kalendaryo ng Simbahan. Ito ang panahong hindi natin pinagtutuunan ang mga espesyal na pangyayari sa buhay ni Hesus. Sa halip, sinusundan natin siya sa kanyang mga karaniwang gawain sa bawat araw. Isang magandang paalala ito para sa ating lahat na bilang mga Katolikong Kristiyano na tumanggap ng binyag, tinatawag tayong lahat na magpatunay sa bisa ng binyag na ating tinanggap. Magagawa natin ito kung makikinig tayo sa Salita ni Hesus at susundin natin ang kanyang mga turo at aral.