Daughters of Saint Paul

ENERO 15, 2021 – BIYERNES SA UNANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYOMk 2:1-12

Pumasok si Jesus sa Capernaum. Nang mabalitang nasa bahay siya, marami ang nagtipon doon dahil wala nang lugar kahit sa may pintuan. At ipinahayag niya ang Salita.  May mga tao namang dumating at dinala sa kanya ang isang paralitiko, na buhat-buhat ng apat. At nang hindi sila makalapit kay Jesus dahil sa dami ng tao, inalis nila ang mga tisa ng terasang nasa ibabaw ng kinaroroonan ni Jesus at pagkabukas nila nito, inihugos nila ang paralitiko na nasa higaan. Nang makita ni Jesus ang kanilang pananalig, sinabi niya sa paralitiko: “Anak! Pinatawad na ang iyong mga kasalanan.” “Ano itong sinasabi niya? Talagang iniinsulto niya ang Diyos.  Sino ba ang may kapangyarihang magpatawad ng mga kasalanan? Di ba’t ang Diyos lamang?” At agad na nalaman ni Jesus sa kanyang espiritu na ganoon ang kanilang mga niloloob na kaisipan.  Kaya sinabi niya sa kanila: “Ano ang mga kaisipan ninyong ito? Ano ba ang mas madaling sabihin sa paralitiko: ‘Pinatawad na ang iyong mga kasalanan’ o ‘Tumayo ka, kunin ang iyong higaan at lumakad’? Dapat ninyong malaman na sa lupa ay may kapangyarihan ang Anak ng Tao na magpatawad ng kasalanan.” “Iniuutos ko sa iyo: bumangon ka, dalhin ang iyong higaan at umuwi.” At bumangon nga ang paralitiko, agad na kinuha ang higaan at lumabas na nakikita ng lahat. Lubhang namangha ang lahat at nagpuri sila sa Diyos sa pagsasabing “Kailanma’y hindi pa kami nakakakita ng ganito.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Junlyn Maraganas, ng Pastorelle Sisters and pagninilay sa ebanghelyo.  (Isang dramatikong kwento ang ating narinig mula sa ebanghelyo! Isipin natin ang  lalaking paralitiko na dinala kay Hesus ng kanyang mga kaibigan. Ang mga kaibigan ng paralitikong lalaki na may dala sa kanya,si Hesus at panghuli, ang mga taong dumating upang makita at mapakinggan si Hesus.) (Sa kuwentong ito)/ Sa Ebanghelyong ating narinig, nakikita natin ang pananampalataya at ang kapangyarihan ni Kristo – ang paralitiko ay pinatawad at gumaling, ang mga pagsisikap ng tapat na mga kaibigan ay pinatunayan, ang mga tumututol ay napatahimik, ang karamihan ay namangha. Ngayon, tanungin natin ang sarili:  tayo ba ang paralisado na kailangang dalhin kay Hesus para sa kapatawaran at paggaling? Tayo ba ang tapat, malikhain, nakatuon na mga kaibigang kukuha, magdadala, maglilibot, umakyat at maghukay upang maihatid ang iba kay Hesus?  O tayo ba ang mga tumututol sa pagpapalawak ng biyaya at pagpapagaling ni Hesus?  O napapahanga lang tayo sa ating mga napapanood at hanggang dito na lamang? Mga kapatid, malasakit, awa at pag-ibig ang nagtulak sa apat na lalaki na kumilos. Nawa’y maging sagot tayo sa mga dasal ng ating kapwang naghihikahos.

PANALANGIN

Panginoon, may mga pagkakataong paralisado ako, nawalan ng lakas ng loob at pag-asa. Umaasa ako sa tulong ng mga mabubuting kaibigan upang dalhin ako sa puntong maririnig kong sinabi mo: Bumangon ka at lumakad, Amen.