Daughters of Saint Paul

ENERO 19, 2021 – MARTES SA IKALAWANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYOMk 2:23-28

Naglakad si Jesus sa mga taniman ng trigo minsang Araw ng Pahinga.  At habang naglalakad ang kanyang mga alagad, sinimulan nilang alisin sa uhay ang mga butil, at kinain iyon.  At sinabi kay Jesus ng mga Pariseo: “Tingnan mo ang ginagawa nila sa Araw ng Pahinga.  Hindi ‘yon ipinahihintulot.” “Hindi n’yo ba nabasa ni minsan ang ginagawa ni David nang nangangailangan siya at nagugutom pati na ang kanyang mga kasama? Pumasok siya sa bahay ng Diyos nang si Abiatar ang Punong-pari, at kinain ang tinapay na inihain para sa Diyos gayong bawal ito kaninuman liban sa mga pari, at binigyan pa niya pati na ang kanyang mga kasama.” “Dahil sa tao kaya ginawa ang Araw ng Pahinga ngunit hindi ang tao dahil sa Araw ng Pahinga.  Kung gayon, ang Anak ng Tao ang Panginoon kahit na ng Araw ng Pahinga.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Gemmaria de la Cruz ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. “Moral Acts”. May tatlong saligan ito na maaari nating bigyan ng pagpapahalaga. Una, ang ginagawa natin. Ikalawa, ang reason kung bakit natin ginagawa, at Ikatlo, ang konkretong situwasyon: saan ba ito, kailan, paano, sino ang involved, ano ang magiging konsekwensya. Totoo na may mga ikinikilos tayo o sinasabi na nagiging taliwas   sa pundamental na bagay, walang iba kundi ang ikabubuti ng kapwa, at walang nakompromiso. Sa tagpo ni Jesus kasama ng mga disipulo na hinusgahan sila ng mga Pariseo. Malaking paglabag daw ito sa batas! Subukan nating pagnilayan. Simulan natin sa naganap: Namitas ng mga uhay  sa araw ng pahinga ang mga disipulo. Dahilan? Nagutom sila. Ang solusyon: Nagkalaman ang kanilang tiyan.  Ang konsekwensya:  Pinaratangan sila na lumalabag sa batas. Nakakalungkot, hindi naisa-alang-alang ng mga Pariseo ang pangangailangang pantao. Isinantabi nila ang gawaing nararapat sa sobrang higpit ng pagkapit sa batas. Sa panahon natin ngayon, sunod-sunod ang humanitarian crises. Nanganganib ang kalusugan ng marami, hindi mabilang ang mga pamilya na nagugutom at gipit sa pinansyal, mga komunidad na namimeligro ang kapayapaan, may mga nagkakasakit na walang mag-asikaso, may naiiwang bata na walang nag-aaruga. Kapatid, kung sa ngayon, iniisip mong makatulong para sa ikabubuti ng karamihan, kilos na. Kung maganda ang iyong intensyon at mabuti ang kahihinatnan, tiyak ano mang ordenansa, maisasantabi ito at mapapag-usapan dahil mas matimbang ang tuntuning maka-Diyos at makatao.