Daughters of Saint Paul

ENERO 25, 2021 – LUNES SA IKATLONG LINGGO NG TAO | Kapistahan ng Pagbabalik-loob ni San Pablo, apostol

EBANGHELYOMk 16:15-18

Sinabi ni Jesus sa labing-isa: “Pumunta kayo sa buong daigdig at ipahayag ang ebanghelyo sa buong sangkinapal. Maliligtas ang maniniwala at magpapabinyag; hahatulan naman ang di maniniwala.  At ito ang mga tandang sasama sa mga maniniwala: magpapalayas sila ng mga demonyo sa aking Pangalan, magsasalita sila sa iba pang mga wika, hahawakan nila ang mga ahas, at hindi sila maaano kung iinom man sila ng may lason.  Ipapatong nila ang kanilang kamay sa mga maysakit at gagaling ang mga iyon.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Paul Marquez ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Bilang Judio, kilala siya bilang Saulo, pero dahil mamamayan din siya ng Roma, gamit din niya ang pangalang Pablo. Hindi naman siya masamang tao sa simula ng kanyang buhay. Katunayan, naniwala siya kay Yahweh, ang kilalang Diyos ng mga Judio. Sinikap niyang mag-aral sa Salita ng Diyos at ipinagmalaki pa niya si Gamaliel, ang mahusay niyang guro. Ipinagmalaki niya na dibdiban ang pagsunod niya sa Batas ng mga Judio. Ikinagalak din niya na siya’y anak ni Abraham at tinuli ayon sa Batas. Ngunit hindi niya kinilala si Jesucristo na tagapagligtas at inusig niya ang mga Kristiyano. Pero nang masumpungan niya si Kristong muling nabuhay sa daan patungong Damasco, nawala ang paningin ni Pablo. “Bakit mo ako pinag-uusig?” tanong ng tinig na nagpakilala bilang Kristo. Nang bumalik ang kanyang paningin sa tulong ni Ananias na pinadala ng Panginoon, nagbago ang pananaw ni Pablo. Itinuring niyang “basura” lahat ng dati niyang ipinagmamalaki at mula noo’y hindi na si Pablo, kundi si Kristo, ang nabubuhay sa kanyang pagkatao. Ipinamansag niya ang mga turo ni Jesus sa iba’t ibang dako. Mga kapatid, may panahon sa ating buhay na tila siguradong-sigurado tayo sa ating mga ginagawa. Kung minsan maari rin tayong malunod sa tagumpay at maaring bumilog ang ating ulo sa papuri ng ating kapwa.  Sa karanasan ni Pablo kailangan niyang mawalan ng paningin sa loob ng tatlong araw. Yaon ang pagkakataong ibinigay ng Diyos kay Pablo para manahimik at magnilay. Sa katahimikan, nakaisang-dibdib niya ang Diyos at mula noon ay naging bagong nilalang si Pablo. Hindi na siya nagsasalita ng mga bagay na mula sa kanyang sarili lamang, kundi lahat ng salitang namumutawi sa kanya ay mula Sa Diyos. Nawa’y matuto tayong manahimik at makinig sa Salita ng Diyos para siyang maging gabay natin sa bawat kilos at pagdedesisyon natin… at nawa’y bitiwan din natin ang mga bagay na ating ipinagyayabang para itampok natin si Kristo sa ating buhay.  Amen.