Daughters of Saint Paul

ENERO 31, 2021 – IKAAPAT NA LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYOMk 1:21-28

At pumunta sila  sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas. May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: Ang Banal ng Diyos.” “Tumahimik ka’t lumayas sa kanya.” Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas. Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Nauutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” ( oo nga ) At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.   

PAGNINILAY

Mga kapatid, kapansin-pansin ang nangingibabaw na tema ng Ebanghelyo: Paano maging Propeta o tagapagpahayag ng Mabuting Balita?  Sa pagbasang narinig natin, ating natunghayan ang Propetang may kapangyarihan:  si Jesus, ang Mesiyas. Siya ang propeta na nagpahayag ng Paghahari ng Langit hindi lamang sa salita kundi sa gawa. Pero hindi siya pangkaraniwang propeta dahil ang Kanyang pagtuturo ay may kapangyarihan. Hindi lamang siya nagtuturo sa salita, bagkus, buhay ang Kanyang mga pahayag sa Kanyang mga gawa: nagpapagaling sa maysakit, nagpapalayas ng demonyo at nagbabalik ng buhay sa namatay. Tunay na kamangha-mangha ang kapangyarihan ni Jesus! Kapangyarihan na nagpapahayag at nagpapatunay na sa Kanyang katauhan, “naghahari ang Diyos,” at sa Kanyang mukha mababakas na “lumapit na nga ang Langit.” Mga kapanalig, sa pagtatapos ngayon ng National Bible Month, nawa’y ipagpatuloy natin ang pagbabasa, pagninilay at pagdarasal gamit ang Salita ng Diyos. Gawin natin itong bahagi ng pang-araw-araw nating buhay nang tumimo sa ating puso at buong pagkatao ang Salita ng Diyos. Ang Salita ng Diyos ang ang siyang paghuhugutan natin ng lakas at pag-asa sa panahong ito ng pandemya at walang kasiguraduhang buhay, Amen.