Daughters of Saint Paul

PEBRERO 2, 2021 – MARTES SA IKAAPAT NA LINGGO NG TAON | Kapistahan ng Pagdadala kay Hesus sa Templo

EBANGHELYO: Lk 2:22-40

Nang dumating na ang araw ng paglilinis nila ayon sa Batas ni Moises, dinala ang sanggol sa Jerusalem para iharap sa Panginoon–tulad ng nasusulat sa Batas ng Panginoon: Lahat ng panganay na lalaki ay ituturing na banal para sa Panginoon. Dapat din silang mag-alay ng sakripisyo tulad ng binabanggit sa Batas ng Panginoon: isang pares na batubato o dalawang inakay na kalapati. Ngayon sa Jerusalem ay may isang taong nagngangalang Simeon; totoong matuwid at maka-Diyos ang taong iyon. Hinihintay n’ya ang pagpapaginhawa ng Panginoon sa Israel at sumasakanya ang Espiritu Santo. Ipinaalam naman sa kanya ng Espiritu Santo na hindi s’ya mamamatay hangga’t hindi n’ya nakikita ang Mesiyas ng Panginoon. Kaya pumunta siya ngayon sa Templo sa pagtutulak ng Espiritu, nang dalhin ng mga magulang ang batang si Jesus para tuparin ang kaugaliang naaayon sa Batas tungkol sa kanya. Kinalong siya ni Simeon sa kanyang braso at pinuri ang Diyos, at sinabi: “Mapayayaon mo na ang iyong utusan, Panginoon, nang may kapayapaan ayon na rin sa iyong wika; pagkat nakita na ng aking mga mata ang iyong pagliligtas na inihanda mo sa paningin ng lahat ng bansa, ang liwanag na ibubunyag mo sa mga bansang pagano at ang luwalhati ng iyong bayang Israel.” May isa ring babaeng propeta, si Ana na anak ni Panuel na mula sa tribu ng Aser. Matandang-matanda na siya. Pagkaalis ng bahay sa kanyang ama, pitong taon lamang silang nagsama ng kanyang asawa, at nagbuhay biyuda na siya at hindi na siya umaalis sa Templo. Araw-gabi siyang sumasamba sa Diyos sa pag-aayuno at pananalangin. Walumpu’t-apat na taon na siya. Sa pag-akyat niya sa sandaling iyon, nagpuri rin siya sa Diyos at nagpahayag tungkol sa bata sa lahat ng naghihintay sa katubusan ng Jerusalem. Nang matupad na ang lahat ng ayon sa Batas ng Panginoon, umuwi sila sa kanilang bayan, sa Nazaret sa Galilea. Lumaki at lumakas ang bata; napuspus siya ng karunungan at sumasakanya ang kagandahang-loob ng Diyos.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Benedict Basanes ng PDDM ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Ginugunita natin ngayon ang kapistahan ng pagdadala kay Hesus sa Templo. Tinatawag din itong a day of purification ni Mama Mary, dahil kung   bibilangin natin, 40th day ngayon matapos ang Christmas. Bakit mahalaga ang araw na ito? Dahil ito ‘yong unang araw na dinala si Jesus sa templo, kung saan ipinahayag nina Simeon at Propeta Ana ang mahalagang misyon ni Jesus kahit siya’y sanggol pa lamang – na Siya ang magiging tagapagligtas at magpapalaya sa bayan ng Israel. Mga kapatid, hindi madali ang maghintay, lalo na sa panahon natin ngayon.  Madali tayong mainip, dahil mahilig kasi tayo sa “instant and rush”.Pero sa ating gospel sa araw na ito, muli tayong pinaalalahanan na ang taong tunay na nagmamahal at nananabik, ay may kakayahang maghintay, gaya nila Simeon at Ana. Dahil sa kanilang matagal na pag-aabang na masilayan ang Panginoon, nakita at nakilala nila agad Siya sa templo. Idalangin natin sa araw na ito na sana sa ating pananabik sa Diyos, hayaan din nating gabayan ng Banal na Espiritu ang ating mga mata at puso; puspusin ng pag-asa na masumpungan din natin ang anyo ng Diyos sa ating buhay.