Daughters of Saint Paul

PEBRERO 7, 2021 – IKALIMANG LINGGO SA KARANIWANG PANAHON

EBANGHELYO: Mk 1:29-39

Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus.  Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinagon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila. Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masamang espiritu.  Nasa may pintuan nga ang buong bayan.  Maraming may ibat-ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya. Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis.  Pumunta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin. Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.” At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpalayas ng mga demonyo.

PAGNINILAY

Isinulat ni Fr. Micha Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Papaano mo ipinadarama ang pakikiramay sa taong may sakit, naghihirap at nagdurusa?// (Noong nagkaroon kami ng exposure sa isang hospital sa Manila, bahagi ng aming training, ang pagbisita sa mga may sakit. At ang isa mga mahahalagang natutunan ko ay ang pagtatanong. Mahalaga ang pagtatanong sa isang pasyente na binibisita, dahil ito ang nagiging daan upang mailabas nila ang kanilang mga saloobin at nararamdaman. At ang isa sa mga mahahalagang tanong, “Kamusta ka na? Kamusta na ang pakiramdam mo?” Napakasimple pero sa mga tanong na ito, naipaparating ko ang simpleng pakikisama at pakikiisa sa kanilang nararamdaman at pinagdaraanan. Sa pagtatanong ng kanilang nararamdaman, nasusubukan nilang ma-express ang kanilang mga sarili. I realized that sometimes people who are sick, who are in pain, needs not only doctors but listeners, compassionate and attentive listeners. Sometimes people who are sick are not only sick physically but most of the time emotionally, spirituality.) Sa ebanghelyo, ipinakita sa atin ni Hesus ang kanyang pakikiisa sa mga may sakit. Sa kanyang pagpapagaling, ipinapakita ng Diyos na siya mismo ang lumalapit at humihipo sa mga puso ng may mga karamdaman. Hindi man natin sabihin ang ating nararamdaman, nakatitiyak naman tayo na naririnig at pinakikinggan niya ang mga hinanaing ng ating mga puso. He listens to the whispers of our heart’s content, our pains, our sufferings. Sabi nga, “The Father knows what you need before you ask him. Hindi man tayo makalapit sa kanya, makakaasa naman tayong hindi malayo ang Diyos sa ating piling. Walang sakit o sugat ang hindi kayang hipuin ng ating panginoong Hesus. Sa bawat sakit na ating nararamdaman, naroroon parati ang Diyos.// 

PANALANGIN

Panginoon maging tulad nawa po niyo ako na handang lumapit at kumalinga sa mga maysakit. Hipuin mo ang aking puso upang marinig ko ang iyong tinig sa mga kapatid kong nahihirapan, nagdurusa at sa mga may malubhang karamdaman, Amen.