EBANGHELYO: Mk 7:1-13
Nagkatipon sa paligid ni Jesus ang mga Pariseo at ilan sa mga guro ng Batas na galing sa Jerusalem. Napansin nila na kumakain ang ilan sa mga alagad niya nang may maruming kamay, na hindi naghuhugas ayon sa seremonya. Sinusunod nga ng mga Pariseo pati na ng mga Judio ang tradisyon ng kanilang mga ninuno at hindi sila kumakain nang hindi muna naghuhugas ng kamay. At hindi rin sila kumakain ng anumang galing sa palengke nang hindi muna ito nililinis, at marami pa’ng dapat tuparin, halimbawa’y ang paglilinis ng mga inuman, mga kopa at pinggang tanso. Kaya tinanong siya ng mga Pariseo at mga guro ng Batas: “Bakit hindi isinasabuhay ng iyong mga alagad ang tradisyon ng mga ninuno? Hindi nga sila naghuhugas ng kamay bago kumain.” At sinabi sa kanila ni Jesus: “Tama ang propesiya ni Isaias tunkol sa inyong mga mapagkunwari. Nasusulat sa ‘Pinararangalan ako ng mga ito sa kanilang labi, at malayo naman sa akin ang kanilang mga puso. Walang silbi ang kanilang pagsamba sa akin at kautusan lamang ng tao ang kanilang itinuturo.’ Pinabayaan nga ninyo ang utos ng Diyos para itatag ang tradisyon ng mga tao. Mahusay na pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos para tuparin ang inyong tradisyon. Sinabi nga ni Moises: ‘Igalang mo ang iyong ama at ina,’ at ‘patayin ang sinumang susumpa sa kanyang ama o ina.’ Ngunit sinasabi n’yo na kung may magsasabi sa kanyang ama o ina, ‘Inialay na ang puwede kong itulong sa inyo,’ wala na siyang magagawang anuman—ayon sa palagay ninyo—para sa kanyang ama at ina. Kaya pinawalang-bisa ninyo ang salita ng Diyos sa tulong ng sarili ninyong tradisyon. At marami pa ang mga ginagawa ninyong ganito.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Benedict Basanes ng PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Ang kalinisan ay bahagi na ng ating ritwal sa buhay lalo na ngayong nahaharap tayo sa panganib na dulot ng COVID 19. Ang mga Judio sa panahon ni Jesus ay metikuloso din sa kalinisan, dahil bahagi ito ng kanilang tradisyon sa kultura at relihiyon. Pero ang pagiging concern lamang sa external appearance, ang pagiging “double standard” at pagiging makasarili, ang ayaw na ayaw ng Panginoon sa kanila. Mga kapatid, ang problema ng mga pasaway na Pariseo at ng ilang mga Guro ng Kautusan ay hindi lamang problema nung kapanahunan ni Jesus. Problema din ito sa panahon natin ngayon. Hilingin natin ang grasya ng Diyos na pagkalooban tayo ng malinis na kalooban, maging totoo sa ating salita at gawa, maging fruitful sa ating pananampalataya, at tapat sa Salita ng Diyos at sa ating kapwa, Amen.