Daughters of Saint Paul

PEBRERO 12, 2021 – BIYERNES SA IKALIMANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 7:31-37

Umalis si Jesus sa lupain ng Tiro at dumaan sa Sidon papunta sa lawa ng Galilea. Pagdating niya sa lupain ng Decapolis, may mga nagdala sa kanya ng isang bingi na halos hindi makapagsalita. At hiniling nila kay Jesus na ipatong dito ang kamay. Matapos siyang ihiwalay sa mga tao, inilagay niya ang kanyang daliri sa tainga ng tao at dumura at saka hinipo ang kanyang dila. At tumingala siya sa Langit, nagbuntong hininga at sinabi: “Ephphata,” na ang ibig sabihi’y “Buksan.” Nabuksan ang mga tainga ng tao at biglang nakalag ang dila niyang nakabuhol kaya nakapagsalita siya nang tuwid. Tinagubilinan sila ni Jesus na huwag sabihin ito kaninuman ngunit habang pinagbabawalan sila, lalo naman silang nagpapahayag. Labis na namangha ang mga tao at sinabi nila: “Pinaiigi niya ang lahat: nakaririnig ang bingi at nakapagsasalita ang pipi.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Siony Japzon Ramos ng Institute of the Holy Family ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Narinig natin sa ebanghelyo ngayon ang pagpapagaling ni Jesus sa isang lalaking bingi at pipi. Sa aking pagninilay naitanong ko sa aking sarili, inborn ba ito o may spiritual na kadahilanan? Sa araw-araw nating pamumuhay, ilang beses na ba tayo naging pipi at bingi. Pag tayo’y nasa state of sin hindi na natin madinig kung ano ang sinasabi ng Diyos. Kahit tayo’y nagbabasa ng bibliya, o araw-araw nag-sisimba, hindi na natin nauunawaan ang mensahe ng ating Panginoon, at hindi na tayo nakapagbabahagi ng salita ng Diyos sa iba. Bingi at pipi tayo, kung ayaw nating makisangkot sa ano mang nangyayari sa ating kapaligiran, dahil sa takot at kawalang-pakialam sa kapakanan ng ating kapwa. Kapag tayo’y nagtatanim ng galit sa kapwa, nagbubunga ito ng pagkamuhi. Napagnilayan mo na ba kung ano ang dahilan ng iyong pagkapipi at pagkabulag? Hindi tayo makapagtatago sa Diyos. Napansin n’yo ba kung papaano itinuring ni Jesus ang lalaking pipi at bingi? Dinala niya ito sa isang pribadong lugar at doon pinagaling. Mga kapatid, nawa’y buksan natin ang mata at tainga ng ating puso, para makita at madinig ang pagtawag sa atin ni Jesus. Mahal tayo ng Diyos, puntahan na natin Siya sa sakramento ng kumpisal. Damhin at kamtan ang kanyang pagpapatawad at pagpapagaling, na siyang magbabalik sa atin sa grasya ng ating Panginoon. Amen.