Daughters of Saint Paul

PEBRERO 13, 2021 – SABADO SA IKALIMANG LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 8:1-10

Maraming tao ang sumama kay Jesus at wala silang makain. Kaya tinawag ni Jesus ang kanyang alagad at sinabi sa kanila: “Labis akong naaawa sa mga taong ito, pangatlong araw ko na silang kasama at wala nang makain at kung paaalisin ko silang gutom, baka mahilo sila sa daan. Galing pa sa malayo ang ilan sa kanila.” Sumagot ang kanyang mga alagad: “At paano naman makakakuha ng tinapay para pakainin sila sa ilang na ito?” Tinanong sila ni Jesus: “Ilan bang tinapay meron kayo?” Sumagot sila: “Pito.” Pinaupo ni Jesus sa lupa ang mga tao, kinuha ang pitong tinapay at nagpasalamat sa Diyos. Pinagpira-piraso niya ang mga ito at ibinigay sa kanyang mga alagad para ihain; at inihain nila ang mga ito sa mga tao. Meron din silang ilang isda. Binasbasan ito ni Jesus at iniutos na ihain din ang mga ito. Kumain sila at nabusog at inipon ang mga natirang pira-piraso — pitong bayong. Apat na libo ang naroon, at saka sila pinauwi ni Jesus. Agad siyang sumakay sa bangka kasama ang kanyang mga alagad at pumunta sa lupain ng Dalmanuta.   

PAGNINILAY

Isinulat ni Luzviminda Agustin ng Association of Pauline Cooperators ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Makikita natin sa Ebanghelyo ngayon, na hindi lamang basta-basta nangangaral si Jesus. Naiisip rin Niya ang kalagayan at nararamdaman ng mga tao. Nahabag Siya sa mga taong nagugutom at maaaring manghina at mahilo sa daan. Dahil sa Kanyang habag at pagmamahal, gumawa Siya ng himala. Mula sa pitong tinapay at ilang isda, na Kanyang ipinagpasalamat sa Diyos at binasbasan, nakapagpakain Siya ng Apat na libong katao. Kahit sa ibang kuwento sa Ebanghelyo, makikita natin ang habag at pagmamahal ng ating Panginoong Jesucristo sa sangkatauhan. Binuhay niya ang patay, pinagaling niya ang mga may sakit, ipinagtanggol ang mga naaapi. At higit sa lahat naging tao Siya, namatay at nabuhay muli para sa ating mga makasalanan.// Mga kapatid, bilang mga Kristiyano, nahahabag rin ba tayo at nagmamahal tulad ni Hesus? Nakikita at nararamdaman rin ba natin, ang gutom at pangangailangan ng ating kapwa? Paano tayo nakatutugon sa panawagang ito araw-araw?  Alalahanin natin, na hindi lamang gutom sa pagkain, kundi gutom rin sa attention at pagmamahal ang kailangan ng ating kapwa. Hindi lamang damit at matutuluyan ang kanilang kailangan, kundi pati na rin katarungan at proteksiyon, mula sa sinapupunan hanggang sa pagtanda, at kusang pagpanaw sa oras ng kamatayan. Pagnilayan natin.