EBANGHELYO: Mk 8:11-13
Dumating ang mga Pariseo at nagsimulang makipagtalo kay Jesus. Gusto nilang subukan si Jesus at humingi ng isang makalangit na tanda. Nagbuntung-hininga siya at sinabi: “Bakit humihingi ng palatandaan ang lahing ito? Talagang sinasabi ko sa inyo: walang tandang ibibigay sa lahing ito.” Kaya iniwan sila ni Jesus at sumakay sa bangka patawid sa kabilang ibayo.
PAGNINILAY
Ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo, mula sa panulat ni Sr. Lou Ranara ng Daughters of St. Paul. Madalas kong marinig ang mga ganitong komento: “Father bakit ka nagpari? Ang guwapo mo pa naman.” O kaya naman, “Sister, bakit ka nagmadre? Ang ganda-ganda mo naman.” Para bang ang mga dapat nag-aalay ng sarili sa Diyos ay yong mga saksakan ng pangit. Sa ating Unang Pagbasa ngayon, inilahad ang pag-aalay sa Diyos nina Cain at Abel. Sa talata lima (5), sinasabing kinalugdan ng Diyos ang alay ni Abel, pero hindi pinansin ang alay ni Cain. Dahil dito, nakadama ng inggit si Cain kay Abel, inggit na nagtulak sa kanya upang patayin ang kapatid. Kapatid, bakit kaya hindi kinalugdan ng Diyos ang alay ni Cain? Ang talata pito (7) ang nagbibigay sa atin ng hint. Alam ng Diyos na may hindi mabuting ginagawa si Cain kaya hindi niya kinalugdan ang alay nito. Kayang arukin ng Panginoon ang kailaliman ng ating puso at kalooban, kaya batid niya ang tunay na layunin ng ating bawat kilos at gawain. Ito rin ang dahilan kung bakit, umalis na lamang si Jesus sa gitna ng paghihingi ng tanda ng mga Pariseong lumapit sa kanya sa narinig nating Mabuting Balita ngayon. Batid niya na nais lamang siyang subukan ng mga ito. Alam ni Jesus na hindi nila hangarin ang malaman ang katotohanan tungkol sa kanya. They just want to test him to satisfy their curiosity, prejudices and personal agenda. Dati, akala ko kapag gumawa ako ng kabutihan, mabait at mabuting tao na ako. Nang pumasok ako sa kumbento napagtanto ko na hindi pala sapat yon. Kailangan ko pang suriin ang aking tunay na intention. Baka kasi pakitang-tao lamang ang kabutihang ginagawa ko. Sabi nga ni Mother Teresa the only thing that matters, is the amount of love that we put in everything that we do. After all, God can penetrate the deepest core of our hearts, and can ascertain the real motivation of our actions. Kapatid, dalangin ko na sana, lahat ng ating mga gagawin ay maging kalugod-lugod sa Diyos upang lagi Niya tayong pagpalain at patnubayan. Amen.