Daughters of Saint Paul

PEBRERO 16, 2021 – MARTES SA IKAANIM NA LINGGO NG TAON

EBANGHELYO: Mk 8:11-13

Nakalimutan ng mga alagad na magdala ng tinapay at isa lang ang dala nila sa bangka. At pinagsabihan sila ni Jesus: “Mag-ingat at huwag magtiwala sa lebadura ng mga Pariseo at sa lebadura ni Herodes.” At sinabi ng mga alagad sa isa’t isa: “Oo nga, ano? Wala tayong dalang tinapay.” Anong gagawin natin ngayon? Alam ni Jesus ang mga ito kaya sinabi niya sa kanila: “Bakit ninyo pinag-uusapan ang tinapay na wala sa inyo? Hindi pa ba ninyo maisip at maunawaan? Mapurol ba ang inyong pag-iisip? May mata kayong di nakakakita at mga taingang di nakakarinig? Hindi na ba ninyo naaalala nang pinira-piraso ko ang limang tinapay para sa limang libo, ilang basket na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Labindalawa.” “At nang may pitong tinapay para sa apat na libo, ilang bayong na puno ng mga pira-piraso ang inyong naipon?” At sumagot sila: “Pito.” At sinabi ni Jesus: “Hindi pa ba ninyo nauunawaan?”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Benedict Basanez ng PDDM ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Kapag hindi natin naintindihan ang mga bagay-bagay o isang statement, sinasabi nating “di ko gets” or “blurred”, ang labo. Pero sa present generation, naging expression nila ang “loading.” Loading pa, at ito marahil ang nangyayari sa mga disciples ni Jesus, loading pa sila, dahil ang pangyayari sa gospel ngayon, karugtong ng istorya ng pagpapakain ni Jesus sa apat na libong ka-tao. Matapos nyan, pumasok din sa eksena ang mga Pariseong humingi pa ng signs. Hindi sila kuntento sa himala ng pagpapakain sa apat na libong ka-tao mula sa pitong tinapay. ‘Yong mga disciples naman ni Jesus ay nasa “state of awe”, at mangha-mangha pa rin sila sa mga ginawa ni Jesus kaya sila ay naiwan doon sa “literal na tinapay.” Pinag-iingat sila ni Jesus sa pampa-alsang ginamit ng mga Pariseo at ni Herodes at ito ay tungkol sa kanilang “hidden agenda” o “self-interest”. Pampaalsa ang gamit para makalamang sa kapwa, para itago ang katotohanan dahil mas pinipili pa na kalugdan ng tao kaysa kalugdan ng Diyos. Gamit ang pampaalsa, ipinapakita na mas makapangyarihan sila at mas marurunong sa batas. Sa araw na ito, sana tanggapin natin ang hamon ni Jesus, at imulat ang ating mga mata na iwasang masilaw sa pampaalsa ng mga mapagkunwari, in other words, maging totoo tayo. Idasal natin na turuan ng Diyos ang ating mga puso na piliin ang mga gawang kalugod-lugod sa Kanya kahit hindi ito napapansin ng ating kapwa.