Daughters of Saint Paul

PEBRERO 19, 2021 – BIYERNES PAGKARAAN NG MIYERKULES NG ABO

EBANGHELYO: Mt 9:14-15

Lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan at nagtanong: “May araw ng ayuno kami at ang mga Pariseo, at wala bang pag-aayuno ang iyong mga alagad?” Sinagot sila ni Jesus: “Puwede bang magluksa ang mga abay sa kasalan habang kasama pa nila ang nobyo? Darating ang panahon na aagawin sa kanila ang nobyo at sa araw na iyon sila mag-aayuno.”

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Doris Montales ng IOLA ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  (Narinig natin sa Mabuting Balita, na lumapit kay Jesus ang mga alagad ni Juan Bautista at nagtanong, bakit kami at ang mga Pariseo ay nag aayuno at hindi ang iyong alagad? Sumagot si Jesus, maari bang magdalamhati ang mga panauhin habang kasama nila ang lalaking ikinasal?) Sa kultura ng mga Judio ang kasalan ay isang napakasayang pagdiriwang di lamang sa mga ikinasal, ganun din sa mga magulang at kaanak ng kinasal, at ganun din naman sa mga dumalo na mga kaibigan ng kinasal. Jesus prefigured Himself as the Bridegroom o ang lalaking ikinasal. Kapatid, kung tayo’y may pananampalataya o nagtitiwala sa mga pangako ni Jesus, na Siya’y kasama natin hanggang sa huling sandali ng ating buhay, magiging masaya tayo lagi sa piling ng ating Panginoon.  Kahit may pinagdadaanan pa tayong pagsubok, hindi tayo basta-basta susuko, dahil nananalig tayo sa kagandahang loob ng Diyos. Batid natin na hindi Niya tayo pababayaan, at hindi Niya tayo susubukin nang higit sa’ting makakaya. Kapag tayo’y laging malapit sa Panginoon, maiiwasan natin ang gumawa ng mga bagay na taliwas sa Kanyang kalooban – katulad ng pamumuhay nang may galit o inggit sa puso, hindi marunong magpatawad, makasarili at walang pakialam sa kapwang nahihirapan. Pero, hindi natin ito magagawa, kung hindi tayo nagdarasal at laging nakaugnay sa Panginoon sa panalangin o sa pagbabasa ng Kanyang Salita.  Kapag lagi tayong nakaugnay sa Panginoon, magagabayan tayo sa tamang pamumuhay at maiiwasan natin ang pagkakasala.  Ito ang pag-aayuno na inaasahan sa atin ng Panginoon, ang pag-aayuno sa paggawa ng kasalananan.  Ito ang klase ng pag-aayuno na mas higit na kalugod-lugod sa Diyos, kesa pag-aayuno lamang sa pagkain, lalo na kung napipilitan lamang.  At kung mag-ayuno naman tayo sa pagkain, lalo na ang pagkain ng karne sa lahat ng Biyernes sa panahon ng Kuwaresma, ang perang maiipon natin sa sakripisyong ito, ay makabubuting itulong natin sa mga dukha at walang makain. Ngayong panahon ng Kuwaresma, maglaan tayo ng sapat na panahon para makipag-usap sa Panginoon sa taimtim na panalangin at magsuri ng budhi. At kung may pagkakataon upang makapagkumpisal tayo, lumapit tayo sa Sakramentong ito upang dumaloy sa atin ang grasya at pagpapatawad ng Diyos. Amen.