EBANGHELYO: Lk 6:36-38
Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Maging maawain kayo gaya ng inyong Amang maawain. “Huwag kayong humatol, at hindi kayo hahatulan; huwag ninyong sumpain ang sinuman, at hindi kayo susumpain; magpatawad kayo, at kayo’y patatawarin. Magbigay kayo, at kayo’y bibigyan -isang saganang takal, siksik, liglig at umaapaw ang ibubuhos nila sa inyong kandungan. Sapagkat susukatin kayo sa sukatang ginagamit ninyo.”
PAGNINILAY
Habag ang mukha ng Diyos! Mercy is the face of God. Habag ang pangunahing dahilan kung bakit pinadala ng Diyos Ama ang kanyang pinakamamahal na Anak para tubusin tayo sa kasalanan at walang hanggang kapahamakan. Hindi nga tayo karapatdapat pag-alayan ng buhay dahil sa ating paulit-ulit na kasalanan. Pero kinahabagan tayo ng Diyos. Kaya yan din ang araw-araw na panawagan sa atin ng Diyos, pairalin ang habag kesa paghuhusga, magpatawad kesa magparusa at maghiganti. Nung naaksidente ako sa sasakyan, kasama ang tatlo kong kapatid, at tinalikdan nung lady-driver yung obligasyon sa aming pagka-aksidente, (ni hindi man lang nag sorry o nagpakita ng malasakit sa amin yung babae…) nandun yung pagnanais na makaganti, kasuhan at gawan ng legal na aksyon yung babae. Yun naman ang automatic reaction nating mga tao, kapag na-dehado o nalamangan tayo ng ating kapwa – ang makaganti. Pero, nung tiningnan ko kung gaano kami kinahabagan ng Diyos, iniligtas sa aksidente na halos ikinamatay namin, namutawi sa akin ang sobrang pasasalamat sa Diyos. Nabalian man ako ng buto, pero after 2 years nakalakad na ulit ng normal. (At hindi naman naging hadlang ang aking pagka-aksidente para matigil ang aking misyon na magpahayag ng Mabuting Balita – hindi naapektuhan ang aking pag-iisip, pagsasalita, hindi nasira ang mukha o nabali ang kamay… sobrang pasasalamat ko talaga sa Diyos, sa kaligtasang patuloy niyang iginagawad sa akin.) Cancer survivor na rin ako sa awa ng Diyos, na na-diagnosed noong 2014. Minsan sinabi sa akin ng co-sister ko, ang tibay mo Sr. Lines, sa lahat ng pinagdaanan mo, buhay ka pa rin. Tugon ko sa kanya, hindi ako ang matibay, kundi ang Diyos na nagpapagaling at patuloy na nagliligtas sa akin. Kinasihan ako ng habag at awa ng Diyos, kayat heto ako upang magpatotoo sa Kanyang kadakilaan at kabutihang loob. Mga kapatid, pagpapakita ng habag at awa ang tunay na tanda ng isang tunay na Kristyano. Kaya patuloy nating tinututulan ang death penalty at lahat ng uri ng karahasan laban sa buhay, dahil labag ito sa kautusan ng Diyos. Wala sa ating mga kamay ang pagkitil sa buhay na nilikha ng Diyos. Siya lamang ang may karapatang bumawi ng buhay na Kanyang pinahiram. At hindi man tayo nakaganti sa mga taong nanlamang, nang-api o nagpahirap sa atin, manalig tayo na makatarungan ang Diyos. Nakikita Niya lahat ng mga kasalanang ginagawa ng tao, at nasa kanyang mga kamay ang paghuhusga sa katapusan ng ating buhay. At susukatin niya tayo sa sukatang ginamit natin sa ating kapwa. Amen.