Daughters of Saint Paul

MARSO 7, 2021 – IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Jn 2:13-25

Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon para Jerusalem si Jesus. Natagpuan niya sa patyo ng Templo ang mga nagtitinda ng mga baka, mga tupa at mga kalapati, at ang mga nakaupong tagapalit ng pera. Kaya gumawa si Jesus ng panghagupit mula sa mga lubid, at ipinagtabuyan ang lahat mula sa Templo, pati ang mga tupa at mga baka, at isinabog ang pera ng mga tagapalit sa pagtataob ng mga mesa. At sinabi niya sa mga nagtitinda ng mga kalapati: “Alisin ninyo ang mga ito! Huwag na ninyong gawing bahay- kalakalan ang Bahay ng aking Ama.” Naalaala ng kanyang mga alagad na nasusulat: “Naglalagablab sa akin ang malasakit sa iyong Bahay.” Sumagot ang mga Judio: “Anong tanda ang maipakikita mo sa amin? Ano ang magagawa mo?” Sinagot sila ni Jesus: “Gibain ninyo ang Templong ito, at ibabangon ko ito sa tatlong araw.” Sinabi naman ng mga Judio: “Apatnapu’t anim na taon nang itinatayo ang Templong ito, at ibabangon mo sa loob lamang ng tatlong araw?” Ngunit ang Templo ng kanyang katawan ang tinutukoy ni Jesus. Nang bumangon siya mula sa patay, naalala ng kanyang mga alagad ang sinabi niyang ito. Kaya naniwala sila sa Kasulatan at sa salitang sinabi ni Jesus. Nang nasa Jerusalem sya sa pista ng Paskuwa maraming naniwala sa pangalan pagkakita sa mga tandang ginagawa niya. Ngunit hindi nagtiwala si Gesus sa kanila dahil kilala nila silang lahat. Hindi nila kailangan magpatotoo ang sinuman tungkol sa isang tao sapagkat alam niya mismo kung ano nga ang nasa tao.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Fr. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Malaya ka ba sa pagsunod sa mga utos ng Diyos?// Mahalaga ang aklat ng Exodo dahil pundasyon ito ng pananampalataya ng Kristiyanismo at ng Judaismo. Sa aklat na ito, mababasa ang dalawang mahalagang pangyayari sa kasaysayan ng pagliligtas ng Diyos. Una, ang milagrong pagtawid sa dagat at pagkakalaya ng mga Israelita mula sa pagkakaalipin nila sa Ehipto. At pangalawa, ang pakikipagtipan ni Yawe sa bayang Israel sa pamamagitan ng pagbibigay niya ng Kautusan, ang kanyang sampung utos. Ibinigay ang mga utos na ito hindi upang i-suppress tayo, limitahan ang ating kalayaan o galaw, o pagbawalan tayo sa maraming bagay. Hindi lamang ito tungkol sa mga do’s and dont’s. Bagkus ibinigay ito ng Diyos upang mas maging malaya tayong piliin kung ano ang nararapat at mabubuting gawin, at higit sa lahat upang pagtibayin ang ating pakikipag-ugnayan sa Diyos at sa ating kapwa. Ang kautusan ay ginawa upang linisin at mas maging malaya tayo sa kasalanan.// Mga kapatid, ang ginawang paglilinis ni Hesus sa templo ay tanda ng kanyang paglilinis at pagpapalaya sa ating puso’t isipan mula sa mga bagay na umaalipin at pumipigil sa ating mahalin siya ng lubusan. Ginawa ito ni Hesus upang ituwid ang ating kalayaang pumili at maitawid tayo patungo sa kanya. Ang sampung utos ng Diyos ang isang instrumento upang gabayan tayo sa pang-araw-araw nating pagpili. Kung nais mong maging malinis at malaya sa buhay, piliin mo ang kanyang mga utos. Kung nais mong makatawid papunta sa kanya, piliin mo ang Diyos araw-araw.// 

PANALANGIN

Panginoon, palayain mo nawa ang aking puso’t isipan sa mga makamundo at mapang-aliping pag-iisip at mga gawain. Maging malaya nawa akong sambahin ka at piliin ka araw-araw anuman ang maging kapalit nito. Amen.