Daughters of Saint Paul

MARSO 10, 2021 – MIYERKULES SA IKATLONG LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Mt 5:17-19

Sinabi ni Jesus sa kanyang mga alagad: “Huwag n’yong akalain na naparito ako para pawalang-bisa ang Batas at Mga Propeta. Naparito ako hindi para magpawalang bisa kundi upang magbigay-karapatan. At talagang sinasabi ko sa inyo: habang hindi nagbabago ang Langit at lupa, hindi mababago ni isang kudlit o kuwit ng Batas: lahat ay matutupad. “Kung may lumabag sa pinakamaliit na ipinag-uutos ng Batas at magturo ng ganoon sa mga tao, ituturing din siyang pinakamaliit sa Kaharian ng Langit. Ngunit kung may magsagawa at magtuturo ng mga ito sa mga tao, magiging dakila siya sa Kaharian ng Langit.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Gigi Marie Lastimosa ng IOLA ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo.  Natunghayan natin sa ebanghelyo ang katauhan ni Hesus bilang isang Judio. Labis ang pagpapahalaga ni Jesus sa mga kautusan ng mga Judio. Batid N’ya ang maaaring maging kahihinatnan, o epekto ng ating mga sinasabi at ginagawa, sa ating buhay at sa ating kapwa —  lalo na sa aspetong pang espiritwal. Minsan, isang malapit na kaibigan ang nagbahagi ng kanyang karanasan sa akin. Siya’y nagtapos sa isang eskwelahan kung saan sya’y napapabilang sa isang komunidad. Malaya siyang nakakapagbahagi ng kanyang pananampalataya sa komunidad na kinabibilangan. Pero dumating ang panahon na kailangan nyang maghanap ng trabaho. Sya naman ay pinalad na makahanap agad ng magandang trabaho. Ngunit sa pagkakataong ito, napuno sya ng takot at pangamba sa pagbahagi ng kanyang pananampalataya. Ikinuwento nya ito sa kanyang kapamilya at mga malapit na kaibigan, at ang kanilang mga sinasabi ay ukol sa pamumuhay sa pamamagitan ng pagbibigay ng mabuting halimbawa o witnessing.  Mga kapatid, sa ating pakikipag-ugnayan sa ating mga kapamilya, kasamahan sa trabaho, komunidad, mga kakilala tayo ay nakakabuo ng relasyon. Sa ating pakikipag-usap sa mga taong nakakasalamuha natin araw-araw, nandidyan ang oportunidad na makapagbahagi ng ating pananampalataya, sa salita at gawa. Ang Dios din ang nagtuturo sa atin na ipahayag sa iba ang Kanyang mabubuting gawa.  Ayon sa Salmo 105:1-2 “Pasalamatan nyo ang Panginoon. Sambahin nyo sya. Ihayag sa mga tao ang kanyang mga ginawa.  Awitan nyo sya ng mga papuri; ihayag ang lahat ng mga kamangha-mangha niyang mga ginawa.” Amen.