EBANGHELYO: Lk 11:14-23
Minsa’y nagpalayas si Jesus ng isang demonyo at ito’y pipi. Nang lumabas na ang demonyo, nakapagsalita ang pipi at namangha ang mga tao. Ngunit sinabi ng ilan sa kanila: “Pinalayas niya ang mga ito sa tulong ni Beelzebul na pinuno ng mga demonyo.” Gusto naman ng iba na subukin si Jesus at humingi sila sa kanya ng isang tanda galing sa Langit. Alam ni Jesus ang kanilang iniisip kaya sinabi niya sa kanila: “Mabubuwag ang bawat kahariang nagkakahati-hati at magigiba roon ang mga sambahayan. Ngayon, kung nagkakahati-hati si Satanas, paano magtatagal ang kanyang kaharian? Hindi nga ba’t sinasabi n’yo na nagpapalayas ako ng mga demonyo sa tulong ni Beelzebul? Kung sa pamamagitan ni Beelzebul ako nagpapalayas ng mga demonyo, paano naman napalalayas ng iyong mga kaanib ang mga ito? Sila mismo ang nararapat sumagot sa inyo. Sa daliri ng Diyos ako nagpapalayas ng mga demonyo kaya sumapit na sa inyo ang Kaharian ng Diyos. Kung nasasandatahang binabantayan ni Malakas ang kanyang palasyo, hindi magagambala ang kanyang mga pag-aari. Subalit kung salakayin siya ng mas makapangyarihan sa kanya at talunin siya, maaagaw nito ang kanyang mga armas na kanyang inasahan at ipamamahagi ang kanyang mga ari-arian. “Laban sa akin ang hindi panig sa akin, at nagpapangalat ang hindi nagtitipong kasama ko.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Sr. Janice Golez ng PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Pagkakaisa o pagkawatak-watak? Ang Mabuting Balitang ating narinig ay gumagabay sa atin na pagnilayan ang ating reaksyon sa mga pangyayari sa ating paligid. Maiging aware tayo nito, dahil pwedeng maging sanhi ng pagkakawatak-watak ng relasyon o komunidad ang ating reaksyon. Si Hesus misyo ay nabiktima ng di magandang reaksyon ng iba. Di matanggap ng iba ang Kanyang mga ginagawa at ipinapakita kaya inakusahan syang nagpapatalsik ng demonyo sa ngalan ni Beelzebul. Pero nagbahagi ang Panginoong Jesus ng isang importanteng aral: kung sumasaatin ang Diyos, puro kabutihan, kapayapaan at pagkakaisa ang ating dala at alay sa iba. Naipapakita ito sa ating tamang pagtugon, at di lamang reaksiyon sa salita man o sa gawa. Mga kapatid, pagsikapan nating tumugon sa kapwa o anumang pangyayari na walang paghuhusga o pagtatangi. Sa halip, maging bukas ang isip at yakapin ang katotohanang nais ng Diyos na ipunin tayong lahat bilang nagkakaisang kawan Nya. Nawa’y pagsikapan nating maging instrumento ng pagkakaisa saan man tayo pumunta, Amen