EBANGHELYO: Lk 18:9-14
Sinabi ni Jesus ang talinhagang ito tungkol sa ilang taong kumbinsido na mabuti sila at minamata naman ang iba: “Dalawang tao ang umakyat sa Templo para manalangin: Pariseo ang isa at publikano naman ang isa pa. Nakatayong nananalanging mag-isa ang Pariseo. Sinabi niya: ‘O Diyos, salamat at hindi ako gaya ng ibang mga tao, mga magnanakaw, mandaraya, nakikiapid, o gaya ng kolektor ng buwis na iyan. Dalawang beses akong nag-aayuno isang linggo, nagbibigay ako ng ikapu sa lahat kong ari-arian.’ Nasa likuran naman ang kolektor ng buwis at hindi man lang makatingala sa Langit. Dinadagukan niya ang dibdib sa pagsasabing ‘O Diyos, kaawaan mo ako na isang makasalanan.’ Sinasabi ko sa inyo na ito ang umuwing nasa grasya ng Diyos ngunit hindi ang isa. Sapagkat ibababa ang lahat ng nagpapakataas at itataas naman ang nagpapakababa.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Nina Lorilla ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Ano nga ba ang batayan para sabihing madasalin ang isang tao? Hindi pa tumitilaok ang manok ay nakaluhod ka na sa simbahan? Pwede! Meron kang makapal na samu’t saring nobenahan? Pwede din. O di kaya ay iba-ibang santo at mga imahen ang nasa iyong altar? Pwede pa din. Pero, higit pa sa mga nabanggit ko, siguro ang magandang batayan upang sabihin na tayo’y tunay na nagdadasal, ay kung ano ang nangyayari sa ating pagkatao, pagkatapos natin makaniig ang Panginoon sa panalangin. Kung tunay at malalim ang ating ugnayan sa Panginoon sa ating pagdarasal, makikita natin ang unti-unting pagbabago ng ating pananaw sa buhay, sa pag-uugali, sa pakikitungo natin sa ating kapwa. Kung dati’y masungit at irritable tayo, dahil sa pagdarasal ay unti-unti tayong nagiging pasensyoso/a, nagiging mas maunawain at mapagmahal sa kapwa. Kung dati’y mabilis tayong manghusga sa ating kapwa o sa isang sitwasyon, ngayon ay sinusuri muna ang sitwasyon, at nagiging bukas ang isip sa pagbigay ng pag-unawa sa kapwa, sa halip na husgahan sila sa maling desisyon o pagkakasala. Ganito po ang nangyayari sa taong tunay na nagdadasal. Mga kapatid, ang tunay na pagdarasal ay may kakambal na kamalayan na ang lahat ay biyaya. Hindi ito nagsisimula sa ating sarili, bagkus sa Diyos na ating sinasamba. Kaya ano nga ba ang ating maipagmamalaki sa harap niya at sa ating kapwa? Wala! Kaya ating hilingin sa ating panalangin ang pagpapakumbaba dahil tanging sa kababang-loob lamang makakagawa ng lahat ng magagandang bagay ang ating Diyos na sinasamba. Amen.