EBANGHELYO: Jn 3:14-21
Sinabi ni Jesus kay Nicodemo, “Kagaya ng pagtataas ni Moises sa ahas sa ilang, gayon din naman, kailangang itaas ang Anak ng Tao, upang magkaoon ng buhay na walang hanggan ang bawat naniniwala sa kanya. Ganito nga kamahal ng Diyos ang mundo, kaya’t ibinigay Niya ang kanyang Bugtong na Anak, upang hindi na mawala ang naniniwala sa kanya, magkakaroon nga s’ya ng buhay na walang hanggan. Hindi nga isinugo ng Diyos sa mundo ang Anak upang hukuman ang mundo, kundi upang maligtas ang mundo sa pamamagitan Niya. Hindi hinahatulan ang naniniwala sa Kanya; ngunit hinatulan na ang hindi naniniwala sapagkat hindi s’ya naniniwala sa Ngalan ng Bugtong na Anak ng Diyos. Ito ang hahatulan, dumating sa mundo ang liwanag, subalit higit pang minahal ng mga tao ang karimlan kaysa liwanag, sapagkat masasama ang kanilang gawa. Napopoot nga sa liwanag ang nabubuhay sa masama, at hindi lumalapit sa liwanag at baka mahayag ang kanyang mga gawa. Sa liwanag naman lumalapit ang gumagawa ng katotohanan; upang mahayag na sa Diyos ginagawa ang kanyang gawa.”
PAGNINILAY
Mula sa panulat ni Fr. Micha Miguel Competente ng Society of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo. Tinatawag na Laetare Sunday o Linggo ng Kagalakan ang Ikaapat na Linggo ng Kuwaresma. Nagagalak tayo dahil nalalapit na ang katuparan ng pangakong pagliligtas ng Diyos sa sangkatauhan. Nalalapit na ang dakilang araw ng pag-aalay ni Hesus ng kanyang buhay sa Krus para sa kapatawaran ng ating mga kasalanan.// Sa pag-uusap ni Hesus at ni Nicodemo, mas binigyan tayo ng dahilang magalak. Katulad ng ahas na itinaas ni Moises upang pagalingin ang mga Israelita, ang sinumang tumingin at maniwala kay Hesus na nakabayubay sa krus ay tiyak na maliligtas at mabubuhay na walang hanggan. Hindi ba’t tunay na kagalakan ang hatid nito sa atin? Ang Diyos ay pumarito hindi upang tanggalan tayo ng buhay kundi upang magbigay buhay. Ang Diyos ay namuhay kasama natin hindi upang husgahan tayo sa ating pagkakamali at pagkakasala, kundi upang iligtas at itampok muli tayo sa kanyang piling. Maliwanag na walang hinusgahan at hinatulan si Hesus. Sa kabilang banda, huhusgahan pa rin tayo ni Hesus sa pamamagitan ng kanyang awa at labis na pagmamahal.//
PANALANGIN
Panginoon, nalalapit na ang iyong dakilang pagtubos sa amin sa kasalanan. Halina’t puspusin mo kami ng kagalakan upang maihatid din namin ito sa iba, Amen.