Daughters of Saint Paul

MARSO 16, 2021 – MARTES SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Jn 5:1-16

Pagkatapos nito, may piyesta ng mga Judio at umahon si Jesus pa-Jerusalem. May isang paliguan sa Jerusalem na kung tawagin sa Hebreo’y Betsata, na malapit sa Pintuan ng mga Tupa. May limang pasilyo ito na may bubong. Nakahandusay sa mga ito ang isang pulutong ng mga maysakit, mga bulag, mga pilay at mga lumpo na naghihintay sa pagkilos ng tubig. Naroon ang isang taong talumpo’t walong taon ng may sakit. Nakita ni Jesus ang taong ito na nakahandusay at alam niya na matagal na ito roon. Kaya sinabi niya sa kanya: “Gusto mo bang umigi?” Sumagot sa kanya ang maysakit: “Ginoo, wala akong taong  makapaghahagis sa akin sa paliguan kapag nakalawkaw na ang tubig. Habang paroon ako, lumulusong na ang iba at nauuna sa akin.”  Sinabi sa kanya ni Jesus: “Bumangon ka, buhatin mo ang iyong higaan at lumakad!” At dagling umigi ang tao, binuhat niya ang kanyang higaan at lumakad. Araw ng Pahinga ang araw na iyon. Kaya sinabi ng mga Judio sa taong pinagaling: “Araw ng Pahinga ngayon at di ipinahihintulot na buhatin mo ang iyong higaan. Sumagot siya sa kanila: “Ang nagpaigi sa akin ang siyang nagsabi sa akin: ‘Buhatin mo ang iyong higaan at lumakad ka.’” Tinanong nila siya: “Sino ang nagsabi sa iyong: Magbuhat ka nito at maglakad?” Ngunit hindi alam ng pinagaling kung sino siya, sapagkat nakaalis na si Jesus dahil maraming tao sa lugar na iyon. Pagkatapos nito natagpuan siya ni Jesus sa Templo at sinabi niya sa kanya: “Tingnan mo, maigi ka na. Huwag ka nang magkasala pa, at baka may masahol pang mangyari sa iyo.” Umalis ang tao at ipinahayag sa mga Judio na si Jesus ang nagpaigi sa kanya. Dahil dito, inusig ng mga Judio si Jesus sapagkat Araw ng Pahinga niya ito ginawa.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. VG Gungon, isang Pastorelle Sister ang pagninilay sa ebanghelyo.  Salamat sa Diyos! Kay buti ninyo Panginoon! Mahabagin Ka at dakila!  Ito marahil ang patuloy at paulit-ulit na binibigkas ng lalaking, tatlumpu’t walong taon nang maysakit, sa paghaharap nila ni Jesus na nagtanong: “Ibig mo bang gumaling?” Ito’y isang tanong na puno ng pag-asa. Sa tanong na ito, may masisinag kang pag-asa. At kung ako rin ang tatanungin, buong galak akong tutugon nang, OO naman! Noong nakilala ng lalaki si Jesus, isang sabi lang niya, gumaling ang lalaki. Mga kapatid, kagaya rin tayo ng lalaki na iyon, na naghihintay ng pag-galing sa ating karamdaman. Kung minsan naghahanap tayo ng kagalingan sa iba’t ibang paraan. Ang dami nating rason para mangamba, gaya ng rason ng lalaki “wala pong maglulusong sa akin sa tubig na ‘yan”. Pero balewala kay Jesus ang lahat ng rason, kung maniniwala tayo sa Kanya. Ang kagalingan ay magmumula sa presensiya ni Kristo. Sa Kanya tayo manalig! Kaya Niyang gawin kahit ano!  

PANALANGIN

Panginoong Makapangyarihan, puno ka ng awa at kabutihan. Patuloy mo kaming hipuin, at pagalingin ang mga karamdamang dinadaing namin sa ‘Yo. Nagsusumamo po kami, na igawad mo na ang kagalingan ng mga kapatid naming may COVID-19, Amen.