Daughters of Saint Paul

MARSO 20, 2021 – SABADO SA IKAAPAT NA LINGGO NG KUWARESMA

EBANGHELYO: Jn 7:40-53

May nagsabi mula sa maraming taong nakarinig sa mga salita ni Jesus: “Totoo ngang ito ang Propeta.” Sinabi naman ng iba: “Ito ang Kristo.” Ngunit itinanong ng iba: “Sa Galilea ba manggagaling ang Kristo? Hindi ba’t sinabi ng Kasulatan, na mula sa binhi ni David ang Kristo?” Kaya nahati ang mga tao dahil sa kanya. Balak ng ilan sa kanila na dakpin siya ngunit walang nagbuhat ng kamay sa kanya. Kaya bumalik ang mga bantay ng Templo sa mga Punong-pari at mga Pariseo, at sinabi ng mga ito sa kanila: “Bakit hindi n’yo siya dala?” Sumagot ang mga bantay: “Kailanma’y wala pang taong nangusap nang ganito.” Kaya sinabi ng mga Pariseo sa kanila: “Nalinlang din pala kayo! May mga pinuno ba o Pariseong naniwala sa kanya? Pero ang mga taong ito na hindi alam ang Batas: sila’y isinumpa!” Nagsalita ang isa sa kanila, si Nicodemo. Siya ang nagpunta kay Jesus noong una. At sinabi niya: “Hinahatulan ba ng ating Batas ang sinuman nang hindi muna siya dinidinig upang alamin ang kanyang ginawa? Sumagot sila sa kanya: “Taga-Galilea ka rin ba? Saliksikin mo nga at tingnan na hindi babangon mula sa Galilea ang Propeta.”  At umuwi ang bawat isa sa kanila.

PAGNINILAY

Isinulat ni Amelia Batoctoy ng Institute of the Holy Family ang pagninilay sa ebanghelyo.  Narinig natin ang pagtatalo ng mga propeta tungkol kay Jesus – kung siya ba ang tunay na Mesiyas na galing kay David.  May mga sari-sariling silang opinion dahil namangha sila sa mga pahayag ni Jesus, at sa sinasabing si Jesus nga ang Mesiyas. May kautusan na dakpin si Jesus, pero namangha ang mga kawal sa mga salitang pinahayag ni Jesus. Kapatid, naniniwala ka ba na si Jesus ang tunay na Tagapagligtas natin?  Sa panahon ngayon ng pandemya marami tayong naririnig na balita lalung-lalo na sa social media. Minsan, nalilito na tayo kung alin ang totoong balita na dapat nating paniwalaan. Maraming kuwento ang lumalabas kung saan ang iba ay nakakasira ng reputasyon ng tao. Balitang nakakamatay, nakakasira na parang COVID 19 na ating kinatatakutan. Si Jesus and daan, katotohanan at buhay na dapat nating tularan, upang tayo’y mabuhay nang mabuti at tapat na Kristiyano.  

PANALANGIN

Panginoon, gawin Mo po akong mabuting Kristiyano sa isip, sa salita at sa gawa upang maging marapat akong tagapagbalita ng Iyong katotohanan at pag-ibig.  Amen.