EBANGHELYO: Jn 8:31-42
Sinabi ni Jesus sa mga Judiong naniniwala sa kanya: “Kung mananatili kayo sa aking salita, totoong mga alagad ko kayo, at malalaman ninyo ang katotohanan, at magpapalaya sa inyo ang katotohanan.” Sumagot sila sa kanya: “Binhi ni Abraham kami at hinding-hindi kami nagpapa-alipin kaninuman. Paano mo masasabing ‘magiging malaya kayo?’ Sumagot sa kanila si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa inyo na bawat gumagawa ng kasalanan ay alipin ng kasalanan. Ngunit hindi nanatili ang alipin sa pamamahay magpakailanman. Ang anak ay mananatili magpakailanman. Kaya kung ang Anak ang magpapalaya sa inyo, totoong malaya kayo. Alam kong binhi kayo ni Abraham. Ngunit hangad ninyo akong patayin, sapagkat walang lugar sa inyo ang aking salita. Ang nakita ko sa Ama ang sinasabi ko, at ang narinig ninyo mula sa inyong ama ang inyo namang ginagawa.” Kaya sumagot sila sa kanya: “Si Abraham ang aming ama.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung mga anak kayo ni Abraham, ang mga gawa ni Abraham ang inyo sanang paggagawain. Ngunit ngayon, hangad ninyo akong patayin, na s’yang nangungusap sa inyo ng katotohanang narinig ko mula sa Diyos. Ito ay hindi gawa ni Abraham, ang mga gawa nga ng inyong ama ang inyong ginagawa.” Kaya sinabi nila sa kanya: “Kami ay hindi mga anak sa labas. May isang ama lamang kami–ang Diyos.” Sinabi sa kanila ni Jesus: “Kung ang Diyos nga ang inyong ama, mamahalin sana ninyo ako, sapagkat sa Diyos ako galing, at ako’y pumarito. Dumating ako hindi sa ganang sarili ko, kundi siya ang nagsugo sa akin.”
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. VG Gungon, isang Pastorelle Sister ang pagninilay sa ebanghelyo. Narinig nating sinabi ni Jesus sa Mabuting Balita, “kung mananalig kayo sa aking Salita, totoong mga alagad ko kayo at malinaw sa inyo ang katotohanan at palalayain kayo ng katotohanan. Si Jesus lang ang makapagpapalaya sa atin sa mga bagay na umaalipin sa atin tulad ng kasinungalingan. Nagsisinungaling tayo dahil natatakot tayong ipakita ang ating tunay na anyo. Natatakot tayong di matanggap ng ibang tao. Ipinaliwanag ni Jesus sa kanyang mga alagad na “Siya ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay.” Si Jesus ang Salitang Nagkatawang Tao at hindi naglihim sa atin sa tunay na pakay nang pagpapadala sa Kanya ng Ama. Inialay ni Jesus ang Kanyang buhay para sa inyo, para sa akin at sa ating lahat. Kaya sa kabila ng ating napakaraming kahinaan bilang tao, si Jesus ay nanatili sa piling natin. Tunay ba tayong alagad Niya? Kung gayon, manalig tayo sa Kanya at tanggapin natin Siya sa ating buhay.
PANALANGIN
Panginoong Hesukristo maraming salamat sa Iyong Salita na nagbibigay liwanag upang matahak namin ang landas ng kabutihan at buong pusong tanggapin at isabuhay na Ikaw ang Daan, ang Katotohanan at ang Buhay. Amen.