Daughters of Saint Paul

MARSO 25, 2021 – HUWEBES SA IKALIMANG LINGGO NG KUWARESMA | Dakilang Kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon

EBANGHELYO: Lk 1:26-38  

Ng ikaanim na buwan, ang Angel na si Gabriel ay inutusan ng Diyos sa isang lungsod ng Galilea 

na tinatawag na Nazaret. Sa isang Birheng naidulog na sa isang lalaki sa lahi ni David na ang pangalan ay Jose, at ang pangalan ng Birhen ay Maria. Pagpasok niya sa kinaroronan ng babae ay sinabi niya! “Abba puspos ka ng biyaya ang Panginoon ay sumasaiyo.” Sa mga pangungusap na ito, si Maria ay nagitla at pinagdilidili ang kahulugan ng gayong bati. Datapwat sinabi sa kanya ng Angel: “Huwag kang matakot, Maria, sapagkat naging kalugodlugod ka sa mata ng Diyos. Tingnan mo maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na tatawagin mong Jesus. Siya ay magiging dakila at tatawaging Anak ng Kataas-taasan. Ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang luklukan ni David na kanyang ama. At maghahari siya sa sambahayan ni Jacob magpakailaman; at walang katapusan ang kanyang kaharian.” Winika ni Maria sa Angel “Paanong mangyayari ito gayong wala akong nakikilalang lalaki?” “Bababa sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya ang ipanganganak ay magiging banal at tatawaging Anak ng Diyos. At tandaan mo ang kamag-anak mong si Esabel ay naglihi rin ng isang lalaki sa kanyang katandaan, at yaong tinatawag na baog ay nasa ikaanim na buwan na, sapagkat sa Diyos ay walang bagay na di mangyayari.” “Narito ang lingkod ng Panginoon, maganap nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng Anghel.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Vicky Lucero ng IOLA ang pagninilay sa ebanghelyo. (Isang guro ang inatasan ng pinuno ng katolikong paaralan na gumawa ng script para sa Cultural Presentation. Matapos ipaliwanag ang layunin ng proyekto, bagama’t may pag-aalinlangan sa kanyang kakayahan, ay sumunod siya. Bawat isa sa atin ay may mga karanasan sa buhay na maaari natin tawaging “little annunciations.”) Sa pagdiriwang natin ngayon ng dakilang kapistahan ng Pagpapahayag ng Magandang Balita tungkol sa Panginoon, pagnilayan natin ang tugon ni Maria sa pahayag ng Anghel: “Ako’y alipin ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Ipinagpalagay ni Maria ang kanyang sarili na isang alipin dahil sa puso niya siya ay PAG-AARI ng Diyos. “She belongs completely to God.” Ang tugon niya ay nagpapakita ng pagsuko ng kanyang kalooban sa kalooban ng Diyos, kaya naman, walang ibang bagay ang maaari niyang gawin kundi ang sumunod sa Kanya. (Malalim ang relasyon ni Maria sa Diyos. Sa puso niya siya ay minamahal o minumutya o “BELOVED” ng Panginoon. Dahil maliwanag sa puso’t isipan ni Maria na siya ay pag-aari at beloved ng Diyos, inialay niya nang buong-buo ang sarili upang gampanan ang isang MISYON, at iyan ay ang maging kabahagi sa kaligtasan ng sangkatauhan.) Sa tugon ni Maria siya ay naging BIYAYA para sa ating lahat, kaya nga, hanggang ngayon patuloy niyang ginagampanan ang misyong mailapit tayo sa kanyang anak kay Hesus na ating Panginoon upang maligtas at tamasahin ang walang hanggang kaligayahan sa piling ng Diyos.

PANALANGIN

Diyos naming Ama, tulutan Nyo po na makasunod kami sa Inyong kalooban ng buong puso at ganap. Nawa po sa bawat sandali ng aming buhay, tulad ni Maria, kami ay MAGING BIYAYA PARA SA IBA. Amen.