EBANGHELYO: Jn 10:31-42
Dumampot ng mga bato ang mga Judio upang batuhin si Jesus. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Maraming mabubuting gawa ang itinuro ko sa inyo mula sa Ama. Alin sa mga ito ang dahilan kung bakit n’yo ako binabato?” Sinagot siya ng mga Judio: “Binabato ka namin hindi dahil sa isang mabuting gawa kundi dahil sa paglapastangan sapagkat gayong ikaw ay tao, itinuturing mong Diyos ang iyong sarili.” Sumagot sa kanila si Jesus: “Hindi ba nasusulat sa Batas ninyo: ‘Aking sinabi,” mga Diyos kayo”’? Kaya tinawag na mga diyos ang mga tumatanggap ng salitang ito ng Diyos, at hindi mapawawalang-saysay ang Kasulatan. Kung gayon, nang sinabi kong ako ang Anak ng Diyos—ako na pinabanal ng Ama at sinugo sa mundo –bakit n’yo sinasabing paglapastangan ito? Kung hindi ko ginagawa ang mga gawa ng aking ama, huwag n’yo akong paniwalaan. Kung ginagawa ko naman, kahit na hindi kayo naniniwala sa akin, maniwala naman kayo sa mga gawa. Kaya alam na alam nga ninyo na nasa akin ang Ama at ako’y nasa Ama.” Kaya muli nilang pinagtangkaang dakpin si Jesus ngunit nakatalilis siya sa kanilang kamay. At muli siyang lumayo pakabilang ibayo ng Jordan sa lugar na pinagbibinyagan ni Juan sa simula. At doon siya nanatili. Marami ang pumunta sa kanya at kanilang sinabi: “Hindi nga gumawa ng anumang tanda si Juan, pero nagkatotoo nga ang lahat ng sinabi ni Juan tungkol sa kanya.” At doo’y marami ang naniwala sa kanya.
PAGNINILAY
Isinulat ni Sr. Janice Golez ng PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Para sa mga Hudyo, di na katanggap-tanggap ang mga salita at gawa ni Hesus. Dahil dito, nagiging marahas na sila, mapusok at disididong tugisin Siya. Nahalata ni Hesus na medyo umiinit na ang sitwasyon, pero alam na alam Nya na hindi pa oras na isagawa Nya ang planong pagliligtas ng Ama. Wala sa mga pagbabantang ito ang pumigil sa kanya na yakapin ang nakatadhanang paghihirap at kamatayan para sa kanya. Walang tinag Nyang tinupad ang mga mabubuting gawain ng Ama. Kapatid, katulad din ba tayo ni Hesus? Yong tipong kahit kinukutya at inaalipusta na, o kahit nalalagay na sa panganib o napapalapit na sa kamatayan ay di pa rin tumitigil sa paggawa at pagtaguyod ng kabutihan. Marami sa atin ngayon ang iniipit at pinaparatangan nang kung anu-ano dahil sa pananatili sa katotohanan at pagsasabuhay ng mga aral na turo ni Hesus. Huwag tayong mangamba kasi ang ating Panginoon na S’yang unang nakaranas nang lahat ng ito ay kasama natin. Mag-pokus tayo sa kanya at tanggapin ang mga biyayang kaloob Nya sa mga nananatiling tapat sa Kanya.
