EBANGHELYO: Jn 11:45-56
Marami sa mga Judiong sumama kay Maria at nakasaksi sa ginawa ni Jesus ang naniwala sa kanya. Pumunta naman ang ilan sa kanila sa mga Pariseo at sinabi sa kanila ang mga ginawa niya. Kaya tinipon ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo ang Mataas na Sanggunian na Sanhedrin, at sinabi: “Ano ba’ng gagawin natin? Marami siyang mga ginagawang tanda. Kung pababayaan natin siyang paganito, mananalig sa kanya ang lahat at darating ang mga Romano at aalisin maging ang ating banal na lugar at ang ating bansa.” At isa sa kanila, si Caifas, na Punong-pari sa taong iyon, ang nagwika: “Wala kayong kaalam-alam. Hindi n’yo naiintindihan na makabubuti sa inyo na isang tao ang mamatay alang-alang sa bayan, upang hindi mapahamak ang buong bansa.” Hindi sa ganang sarili niya sinabi ang mga salitang ito, kundi sa pagiging Punong-pari niya sa taong iyon, sinabi niya ang propesiyang ito: dapat ngang mamatay si Jesus alang-alang sa bansa, at hindi lamang alang-alang sa bansa kundi upang tipunin pati ang mga nakakalat na anak ng Diyos upang maging isa. Kaya mula sa araw na iyon, pinagpasyahan nilang patayin siya. Kaya hindi na tahasang naglakad si Jesus sa lugar ng mga Judio kundi umalis siya mula roon patungo sa lupaing malapit sa ilang, sa isang lunsod na Efraim ang tawag, at doon siya nanatili kasama ng mga alagad. Malapit na ang Paskuwa ng mga Judio, at umahon ang marami pa-Jerusalem mula sa lalawigan bago mag-Paskuwa upang maglinis ng sarili. Kaya hinahanap nila si Jesus at nang nasa Templo sila, sinabi nila sa isa’t isa: “Ano sa palagay ninyo? Paririto kaya siya sa piyesta?” Ibinilin ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo na kung may makaalam kung nasaan s’ya ay magsuplong upang maipadakip s’ya.
PAGNINILAY
Isinulat ni Amelia Batoctoy ng Institute of the Holy Family ang pagninilay na ibabahagi ko sa inyo. Natunghayan natin sa ebanghelyo ang pagkabahala ng mga Punong-pari at ng mga Pariseo dahil gumagawa si Jesus ng maraming tanda. Kaya kinonsulta nila ang Mataas na Sanggunian na Sanhedrin kung ano ang nararapat nilang gawin. Lahat ay may kanya-kanyang palagay tungkol kay Jesus. Pero may matinding palagay si Caifas tungkol sa kanya: mas makabubuting mamatay siya kaysa mapahamak ang buong bansa. Mga kapatid, tayo din ay dapat magkaroon ng malalim na pagkakakilala sa Diyos na nagbigay buhay sa atin. Ngayong taong 2021 kung saan ipinagdiriwang ng Pauline Family ang Taon ng Salita ng Diyos, binibigyang halaga ng pagdiriwang na ito ang kahalagahan ng pagbabasa, pag-aaral at pagninilay ng Salita ng Diyos. Mas lalalim ang ating ugnayan at pagkakakilala sa Panginoong Jesus, kung palagian tayong nagbabasa ng Biblia. Magagabayan tayo sa tamang pamumuhay. Naway makapaglaan tayo ng ilang sandali araw-araw sa pagbabasa at pagninilay ng Salita ng Diyos, upang tumimo ito sa ating puso at maisabuhay sa tulong ng Banal na Espiritu. Amen.