Daughters of Saint Paul

ABRIL 2, 2021 – BIYERNES SANTO

EBANGHELYO: Jn 18:1-19:42

Nangakatayo naman sa tabi ng krus ni Jesus ang kanyang ina at ang kapatid na babae ng ina niya, si Mariang asawa ni Cleofas at si Maria Magdalena. Kaya pagkakita ni Jesus sa Ina at sa kanyang mahal na alagad na nakatayo sa tabi, sinabi niya sa Ina: “Babae, hayan ang anak mo!” Pagkatapos ay sinabi naman niya sa alagad: “Hayan ang iyong ina.” At mula sa oras na iyo’y tinanggap siya ng alagad sa kanila. Pagkaraan nito, nakita ni Jesus na natupad na ang lahat. Ngunit kailangang maganap ang isa pang Kasulatan, at sinabi niya: “Nauuhaw ako!” May sisidlan naman doon na puno ng mapait na alak. Kaya ikinabit nila sa isopo ang esponghang ibinabad sa alak at idiniit nila sa kanyang bibig. Pagkasipsip ni Jesus ng alak, sinabi niya: “Natupad na!” At pagkayuko ng ulo ibinigay n’ya ang espiritu. Ayaw ng mga Judio na manatili sa krus ang mga bangkay sa Araw ng Pahinga. Paghahanda ng Paskuwa noon, kaya mas dakila pa ang Araw na iyon ng Pahinga. At hiniling nila kay Pilato na baliin ang mga binti ng mga nasa krus at saka alisin ang mga bangkay. Kaya pumaroon ang mga sundalo. Binali nila ang mga binti ng una at pati ng ikalawa na kasama niyang ipinako sa krus. Pagsapit naman nila kay Jesus, nakita nilang patay na siya kaya hindi nila binali ang kanyang mga binti. Gayunma’y sinibat ng isa sa mga sundalo ang kanyang tagiliran at umagos ang dugo at tubig. Ang nakasaksi ang nagpapatunay, at totoo ang kanyang patunay. At siya ang nakaaalam na totoo ang kanyang sinasabi kaya maniwala kayo.

PAGNINILAY

Mula sa panulat ni Sr. Anthony Basa ng PDDM ang pagninilay sa ebanghelyo. Mga kapatid, malaya ka na dahil naganap na… tapos na… “paid in full.”   Wala ka nang utang dahil inako na ito ni Hesukristo. Ang Biyernes Santo ay araw ng kaganapan sa pangako ng kaligtasan.  Kaganapan ito sa ginawang ritwal ng ating Panginoon kahapon, sa hapag ng huling hapunan kung saan kanyang ipinaliwanag kung ano ang magaganap sa araw na ito. (Sapagkat paano niyang maipapaliwanag na ang kanyang katawan na sugatan at ang dugong dumadanak sa kanyang tagiliran ay para sa ating katubusan, kung siya ay nakabayubay sa krus at unti-unting nauupos. Kaya nga’t ipinatawag na niya ang mga alagad sa isang salu-salo upang maisalarawan ang tunay na kahulugan ng mahal na araw.)  Malaya ka na kapatid. Malaya ka nang tahakin muli ang tuwid na landas at baguhin ang iyong buhay. Huwag mong sayangin ang iyong bagong kalayaan. Mayroong namatay at nagbigay ng sariling buhay para sa’yo. Ganyan kamahal ang iyong pagkatao. Ganyan ka kamahal ng Diyos, upang ang sarili Niyang Anak mismo ang tutubos ng iyong mga pagkakasala. Kaya mga kapatid, sa araw na ito, tingni, masdan mong muli ang taong nakabayubay sa krus. Siya ang ating kaligtasan.  Halina’t siya’y sambahin.