Daughters of Saint Paul

ABRIL 12, 2021 – LUNES SA IKA-2 LINGGO NG PASKO NG PAGKABUHAY

EBANGHELYO: Jn 3:1-8

May isang lalaking kabilang sa mga Pariseo, Nicodemo ang pangalan niya; pinuno siya ng mga Judio. Isang gabi, pinuntahan niya si Jesus at sinabi sa kanya: “Rabbi, alam namin na Guro ka  galing sa Diyos. Sapagkat walang makagagawa ng mga tandang ginagawa mo, kung hindi sumasakanya ang Diyos.” Sumagot sa kanya si Jesus: Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakakita sa paghahari ng Diyos kung hindi siya isisilang na muli mula sa itaas.” Sinabi sa kanya ni Nicodemo: “Paano maisisilang ang isang taong matanda na? Di ba’t hindi s’ya makapapasok sa sinapupunan ng kanyang ina para isilang muli? Sumagot si Jesus: “Talagang-talagang sinasabi ko sa iyo, walang makakapasok sa Kaharian ng Diyos kung hindi siya isisilang mula sa tubig at Espiritu. Laman ang isinilang mula sa laman, at Espiritu ang isinilang mula sa Espiritu. Huwag kang magtaka dahil sa sinabi ko sa ‘yong kailangan kayong isilang mula sa itaas. “Umiihip ang hangin kung saan nito nais, at naririnig mo ang ihip nito, pero hindi mo alam kung saan ito galing at kung saan ito patungo. Gayon din nga ang bawat isinilang mula sa Espiritu.”

PAGNINILAY

Isinulat ni Sr. Edith Ledda ng Daughters of St. Paul ang pagninilay sa ebanghelyo.  Maligaya tayo kung may sanggol na isinilang. Ibig sabihin may buhay na namang nadagdag sa pamilya. Kung maligaya tayo sa pagsilang ng sanggol lalo na kung ito ay panganay, magiging maligaya tayo at dapat na maging maligaya/ kung ang sanggol na ito ay mabinyagan. Sa Sakramento ng Binyag, ang isang sanggol ay itinuturing na miyembro ng Simbahan at maaring ituring na kaarawan o birthday natin ito sa simbahan. Bigyan nawa nating halaga ang Sakramento ng binyag, huwag lang sanang pahalagahan ang regalong matatanggap ng sanggol kundi pagyakap sa ating pananampalataya. Sa binyag, tayo’y nakikibahagi sa pagiging pari, hari at propeta ni Hesus. Sa mga magulang, ninong at ninang, maging tunay na gabay nawa tayo ng mga sanggol na ito sa kanilang pagkilala sa Panginoon. Sa ating mabuting pagsasabuhay ng katolikong pananampalataya, mapapalakas natin ang loob ng mga bata dahil makikita nila sa atin ang buhay na pagsunod sa Diyos. Turuan, gabayan ang mga bata sa pagkilala sa Diyos. Amen. Amen.